Monday, July 13, 2009

PNP NAKAHANDA NA PARA SA 2009 SONA

IPATUTUPAD ang Public Security Safety Plan ng Philippine National Police (PNP) bilang paghahanda sa nalalapit na State of the Nation Address at pagbubukas ng 3rd Regular Session ng 14th Congress sa Hulyo 27, 2009.
Dahil sa inaasahang mga aksiyon at public assemblies ng ilang grupo, nilikha ang Task Force KAPAYAPAAN para mapalawak ang security measures, civil disturbance management, traffic management and control kabilang na rito ang iba pang kahalintulad na administrative at operational activities upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa pagdedeliber ng SONA ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Itinalaga ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa si National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Chief Superintendent Roberto Rosales bilang Task Force KAPAYAPAAN Commander, kasama na ang suporta at assistance mula sa iba’t ibang police units.
“I have directed all our involved units to ensure that all public activities will be peaceful and orderly during this nationally significant day where the President will deliver her message to the Filipino people,” pahayag ni Verzosa.
Ayon kay Verzosa, paiiralin pa rin ng pulisya ang kanilang mandato sa pagpapatupad ng batas at bukas ang kanilang tanggapan sa mga rally organizers na nais makipag-ugnayan upang sa gayon ay maging maayos ang mga pagkilos.
Nakipag-ugnayan na rin ang PNP sa Office of the Sergeant-at-Arms ng House of Representatives, Senate at Presidential Security Group (PSG) para matiyak ang kaligtasan o seguridad ng mga matataas na opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng tropang diplomatiko at iba pang VIPs na inaasahang dadalo sa SONA. (P/SR SUPT LEONARDO A ESPINA/ PUBLIC INFORMATION OFFICE, CAMP CRAME, QUEZON CITY/ TEL: +6327253179/ FAX: +6327255115/ EMAIL: PIO@PNP.GOV.PH)

DINUKOT NA BATA, NASAGIP NG MAGUINDANAO POLICE

NASAGIP ng mga pulis ang isang 4-year old kidnap victim sa Maguindanao noong Hulyo 6, 2009.
Si John Kyle Chiongson ay nailigtas mula sa kamay ng mga kidnappers bandang 11:30 ng gabi sa Upper Taviran,Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Sa ulat na nakarating kay PNP Chief Director General Jesus A Verzosa, ipinarating ni PRO-ARMM Regional Director CSupt Bensali Jabarani na ang biktima ay nailigtas ng grupo mula sa 1507th Provincial Mobile Group na pinangunahan ni Insp Joebert Caldea na nagsagawa ng anti-criminality patrol sa nabanggit na lugar.
Ang biktima ay isinailalim sa medical examination sa PRO-ARMM Headquarters sa Parang, Maguindanao.
Si Chiongson, isang mag-aaral sa Notre Dame Boy's School, ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa kanilang tahanan sa Cotabato City noon pang Hunyo 25.
Habang isinusulat ni Sniper ang impormasyong ito, kasalukuyan nang tinutugis ang mga responsable sa naganap na pagdukot. (P/SR SUPT LEONARDO A ESPINA/ PUBLIC INFORMATION OFFICE, CAMP CRAME, QUEZON CITY/ TEL: +6327253179/ FAX: +6327255115/ EMAIL: PIO@PNP.GOV.PH)

PROTEKSIYON KONTRA A(H1N1) PINALALAKAS NG PNP

PINALALAKAS ng Philippine National Police ang pagpoprotekta sa puwersa nito laban sa pandemic influenza matapos matuklasan na apat sa (4) PO1 recruits (2 male, 2 female) mula sa Police Regional Office sa Cordillera ang nag-positibo sa influenza A(H1N1).
Ayon kay PRO Cordillera Regional Director Chief Supt. Orlando Pestano, inilagak sa St. Louis University Medical Center ang mga pulis at binantayan ng Department of Health (DOH) para matiyak ang kaligtasan ng iba pang mga recruits at iba pang personnel.
“All other police recruits from the Cordillera Training School are under quarantine with the supervision of the Regional DOH. Precautionary measures have also been taken such as providing an ample supply of Vitamin C to the recruits and the intensification of our cleanliness program,” dagdag ni Pestano.
Namahagi rin ang PNP Health Service ng dietary supplements at vitamins sa mga police recruits sa iba’t ibang rehiyon para maiwasan ang mga insidente ng kontaminasyon.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Dir. Gen. Jesus A. Verzosa na protektahan ang mga personnel lalo na ang mga nakatalaga sa Aviation Security Group at Maritime Groups na ang mga erya ng responsibilidad ay prente ng kontaminasyon.
Nakompleto na rin ng mga personnel mula sa Special Action Force at mga teams mula sa Aviation Security Group, Maritime Group at Crime Laboratory ang training ukol sa Pandemic Rapid Response and Quarantine Procedures. (P/SR SUPT LEONARDO A ESPINA/ PUBLIC INFORMATION OFFICE, CAMP CRAME, QUEZON CITY/ TEL: +6327253179/ FAX: +6327255115/ EMAIL: PIO@PNP.GOV.PH)

ANG ‘HAYDEN CAM’ KHO (THE INSTANT CELEB DOC)

NAKABINBIN pa rin sa Senado at Korte ang kontrobersyal na sex videos (este, usapin pala ng sex videos) ng instant-celebrity doctor na si Hayden Kho.
Bagama’t hindi dapat pag-aksayahan ng oras ng mga senador ang usaping ito dahil lahat naman ng tao ay iniluwal sa sanlibutan sa pamamagitan ng kahalayan at seks, nakatutok dito halos lahat ng Pinoy.
Bukod sa sex videos ni Kho kasama si Katrina Halili, pinagpipiyestahan na rin sa Quiapo, Baclaran at Divisoria ang iba pa nitong videos.
Hindi napigilan ang pagkalat ng iba pa nitong sex videos maliban sa una nang lumabas kasama ang sexy actress na si Katrina, commercial model na si Maricar Reyes at isang Brazilian model.
Nagkaroon ng pangalawang Maricar-Hayden video at maraming pangalan ng mga kilalang artista ang nasangkot na pawang itinanggi ang isyu.
Kinalaunan, lumabas ang pangatlong video nina Hayden at Maricar na mas malinaw at mahaba.
Nagkaroon nga ng kopya ang inyong lingkod.
Paano nga kasi, hindi ko akalain na noong hiramin ng isang kaibigan ang flash disk ko ay nilagyan niya ito ng videos.
Ngayon, dalawang videos ang bagong labas sa internet--ang isa ay ang sex video ni Hayden kasama ang isa pang Brazilian model na siyang pinakamahaba sa lahat.
Si Maricar ay mayroon pang pang-apat na video na may habang 30 seconds (allegedly).
Kinunan din daw ito habang natutulog at tanging panty lang ang saplot.
“Yummy naman,” sabi ng mga manyakol na dyipni drayber sa Baclaran.
Biro nga ng isang drayber, baka raw may bagong sumikat na brand name ng camera at ito’y tatawaging “hayden cam”. Hehehe!

PRESS STATEMENT OF PNP CHIEF DIR. GEN. JESUS VERZOSA

I am pleased to announce the return to the custody of prison authorities of the convicted killer of Congressman Moises Espinosa Sr of Masbate.
Florencio "Jun" Fernandez aka "Potot",47yrs old, has been the subject of a regionwide manhunt launched by the Police Regional Office 5 in support of efforts to recapture the fugitive who bolted the Masbate Old Provincial Jail located at the compound of the Bulwagan ng Katarungan, Brgy. Centro in Masbate City last June 22, 2009 at around 4:34 am.
Initially, a police tracker team was fielded by the Masbate Provincial Director, SSupt Reuben Theodore Sindac to join the manhunt for Fernandez.
Masbate Police also coordinated with Provincial Jail authorities and flashed an alarm to all municipal police stations and other law enforcement units in the province in order to look for and immediately arrest the escaped convict
A similar notice was also given to the PRO5 in Legaspi City to notify and inform all provinces in the Bicol Region
Upon his surrender to former Governor, Atty. Ranier Butalid, Mr. Fernandez was picked up from the Masbate Airport at 8:15am and was airlifted on board one of two UH-1H (Huey) helicopters of the Philippine Air Force.
The airlift mission and operation was supervised and coordinated by the Chief of the National Operations Center (NOC) CSupt Constante Azares Jr., to keep the surrender highly confidential since the threat on Fernandez is very imminent in Masbate City.
The fugitive is the younger brother of former assemblyman and Governor, Atty. Jolly Fernandez who was also implicated in the killing of Congressman Espinosa but was himself murdered in October 1991 while the case was undergoing trial.
Meanwhile, Florencio Fernandez was found guilty for the murder of Congressman Espinosa and sentenced to four life imprisonment terms.
The surrender of the convicted fugitive is indeed a great development to this case. Let me commend CSupt Azares, as well as Atty. Butalid for his cooperation with the police that led to the peaceful surrender of Fernandez. (PRESS STATEMENT OF PNP CHIEF DIR. GEN. JESUS VERZOSA/ JULY 1, 2009)

PNP NAGLABAS NG GUIDELINES PARA SA REWARD SYSTEM

NAG-ISYU kamakailan si PNP Chief Director General Jesus Verzosa ng implementing guidelines sa PNP Reward System para sa pagresolba ng mga kaso ng karahasan laban sa mga mamamahayag o working journalists, militant activists, elected government officials at iba pang government workers, candidates, at election workers.
Ayon kay Verzosa, gagamitin din ang bahagi ng P25-million special fund na inaprubahan ni President Gloria Macapagal Arroyo upang makakuha ng impormasyon hinggil sa mga nawawalang armas ng Pambansang Pulisya na ngayon ay tinututukan ng pulisya.
“President Arroyo has ordered the PNP to resolve cases of violence committed against journalists, politicians, activists and government workers and bring down incidents of similar attacks,” wika ni Verzosa.
Inatasan ng PNP Chief ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) sa ilalim ni Police Director Raul Bacalzo na ipatupad ang Reward System.
“A Board of Officers on Reward (BOR) was also constituted to administer the reward system,” dagdag ni Verzosa. “The BOR is composed of the Director for Investigation and Detective Management (TDIDM) as Chairman. Members of the BOR are the Director for Intelligence (TDl); The Director for Operations (TDO); The Director for Police Community Relations (TDPCR); The Director for Comptrollership (TDC);Director, Legal Service (LS); Director, Criminal Investigation and Detection Group( CIDG); and the Director of the Intelligence Group (lG). According to the Chief PNP, a Reward Scale shall be formulated showing the categories of victims as National, Regional and Provincial with corresponding rewards for information leading to the arrest of suspects.”
Bibigyan ng reward ang mga impormante maliban ang mga government officials o employees na makapagbibigay ng direktang impormasyon para makilala ang suspek at maaresto.
“A total of Php 17-million out of the Php 25-million special fund for the PNP Reward System shall be allocated for the solution of cases involving violence against media practitioners, militant activists, elected government officials, other government workers, candidates and election workers,” ayon kay PNP Spokesman Senior Superintendent Leonardo Espina. “Another Php 5-million shall be used as reward for information leading to the seizure of stashes/cache of loose firearms. The remaining Php 3-million shall be allocated for subsequent cases involving violence against media practitioners, militant activists, elected government officials, other government workers, candidates and election workers.”
Sa pamamagitan ng approval ng Police Chief sa pagpapalabas ng reward, ang TDIDM naman ang magbibigay ng bayad sa mapalad na impormante.
Ang pagbabayad na ito ay gagawin sa presensya ng case officers at/o awtorisadong kinatawan mula sa grupong responsible sa pagresolba ng kaso.
Isang grupo naman ang inorganisa upang mapablis ang evaluation at reward process.
Inirekomenda ng PNP ang rewards na nagkakahalaga ng hanggang Php17.375-million para sa impormasyon na magiging dahilan ng pagkakaaresto ng mga suspek na sangkot sa 96 kaso ng karahasan laban sa 73 government officials, 15 militant activists, at walong journalists.
“The Reward System shall not preclude other individuals, organizations and sectors that may voluntarily offer or provide incentives or rewards for the immediate solution of the cases,” pahayag ni Espina (P/SR SUPT LEONARDO A ESPINA/ PUBLIC INFORMATION OFFICE, CAMP CRAME, QUEZON CITY/ TEL: +6327253179/ FAX: +6327255115/ EMAIL: PIO@PNP.GOV.PH)

Friday, July 3, 2009

ESTADOS UNIDOS SA KAMAY NI BARACK OBAMA (MGA KARAPATANG PANTAO NOON, NGAYON)

TAONG 1776, naglatag si Thomas Jefferson ng isang pilosopiya ng mga karapatang pantao na laan para lahat ng tao sa Deklarasyon ng Kasarinlan (Declaration of Independence), na naggiit na “Lahat ng mga tao ay nilikhang pantay, sila’y pinagkalooban ng Maylikha ng tiyak na sariling mga Karapatan, na ilan sa mga ito ay Buhay, Kalayaan at paghahagilap ng Kaligayahan.”
Ang mananalaysay na si Joseph J. Ellis ay tinawag ang deklarasyon na "pinakalinyadong paghahayag ng mga karapatang pantao sa naitalang kasaysayan".
Legal na pinoprotektahan ng Saligang Batas at mga amyenyadong batas ng Estados Unidos ang mga karapatang pantao, pinagkaloob ng tratado, sinusugan ng lehislasyon ng Kongreso, mga lehislatura ng estado, at mga plebisito (state referenda).
Ang mga hukumang pederal ng Amerika ay mayroong hurisdiksiyon sa mga batas hinggil sa pandaigdigang karapatang pantao bilang isang katanungang pederal, nangingibabaw sa ilalim ng pandaigdigang batas, bilang bahagi na rin ng batas ng Estados Unidos.
Nilikha ang kauna-unahang human rights organization sa Thirteen Colonies of British America isang taon bago idineklara ang kasarinlan ng mga Amerikano.
Taong 1787 ay na naipatupad nang tuluyan ang United States Constitution na lumikha ng demokrasya na gumagarantiya ng ilang mga karapatan at mga kalayaang sibil.
Layon ng Amerikanong sistema na makatiyak ng malayang lipunan kung saan ang buhay, kalayaan at isang tagapagtaguyod ng inalienable human rights ay ginagarantiya rin ng Konstitusyon, kabilang na rito ang Bill of Rights (ang sampu na kauna-unahang isinusog ng Saligang Batas), ayon na rin sa katawagan ng Declaration of Independence.
Noong ika-20 siglo, malaki ang naging papel ng Amerika sa paglikha ng United Nations at sa paglikha na rin ng Universal Declaration of Human Rights.
Karamihan sa mga nakapaloob sa Universal Declaration of Human Rights ay nakatala sa U.S. Bill of Rights.
Ilan sa mga karapatan at batas na nakapaloob sa Saligang Batas ng estado ay ang freedom of religion, freedom of expression, freedom of movement, national security exceptions, historical restrictions, labor rights, health care, justice system, death penalty at prison system.
Kasalukuyan ding umiiral ang Civil Rights Act of 1964 at African-American Civil Rights Movement.
Si Lyndon B. Johnson ang nagpasa ng Civil Rights Act of 1964, ang kauna-unahang komprehensibong batas na nagbabawal sa diskriminasyon base sa lahi at pinagmulang lipi sa trabaho sa loob ng isang malaking industiyalisadong bansa.
Ilan sa mga panauhin na kasama ni Johnson ay si Martin Luther King, Jr.
Itinatadhana ng Equal Protection Clause ng Fourteenth Amendment para sa United States Constitution na "Ang karapatan ng mga mamamayan ng Estados Unidos na bumoto ay hindi dapat ipagkait ng gobyerno o ng alinmang estado kung lahi ang pagbabasehan, kulay, o nakaraang kondisyon ng serbityud."
Samantala, kasunod ng makasaysayang eleksiyon, si Barack Obama ay nanumpa bilang kauna-unahang African-American president ng Estados Unidos noong Enero 20, 2009.
Sa kanyang Inaugural Address, binanggit ni Pangulong Obama na "A man whose father less than 60 years ago might not have been served at a local restaurant can now stand before you to take a most sacred oath....So let us mark this day with remembrance, of who we are and how far we have traveled".

MGA HAKBANG PARA MABAGO ANG TAKBO NG KASAYSAYAN (BUNGA NG MAKITID NA PANANAW NG SUPREME COURT)

Corruptionary (Crooked Scenario): Abogado________pangalan--personalidad na nakalarawan sa pera, halimbawa, Manuel Roxas sa P100, Diosdado Macapagal sa P200, at Ninoy Aquino sa P500 (kaparis ng lawyer, presidente)
Paano ginagamit?
Pulis: ‘Wag ka nang magpalusot dito. Pangalawang daan mo na dito. At alam mong bawal dito…Lisensya!
Drayber: Tsip, hindi na po ako uulit.
Pulis: Talagang hindi na. Lisensya. (I-aabot ng drayber and lisensya, nakasipit ang P50.)
Pulis: Tatamaan ka sa akin eh! Si Sergio Osmena lang ba ang abogado mo?

===========================================================
MAGANDA na sana ang takbo ng Korte Suprema. Nilabas nito ang bagong rules sa writ of amparo at habeas data.
At nais paglingkuran ang uring maralita at aping sektor ng lipunan sa pamamagitan ng isang poverty summit o workshops.
Marami siyang mga progresibong mga tindig pabor sa mga mamamayan.
Hanggang sa lumabas na yata ang tunay na kulay nito sa kaso ni Romulo Neri.
Napingasan ang kapangyarihan ng Senado at nakompromiso ang Supreme Court sa pagbigay niya ng bentahe sa Presidente. Higit na mahalaga sa kanila ang perang kaloob ng dayong China kaysa dangal, kasarinlan at mabuting asal sa lipunan.
At maliwanag na pinagtatakpan nila ang pinararatangang tiwaling Pangulo.
Pinakialaman ang trabaho ng Senado.
Magiging walang kuwenta ang mga senador kapag hindi natuwid ang baluktot na gawain ng Supreme Court at ni Presidente Gloria.
Ito ang isyu ng executive privilege.
Pinaboran ng Supreme Court ang kahilingan ng dating director ng NEDA na si Romulo Neri, bantog sa bukulan sa ZTE NBN scam na umamin na inalok siya ng P200 million ni Abalos upang paboran ang China deal.
Inamin niya na binanggit niya kay President Arroyo ang suhol.
Sa takot marahil na baka pati sila ay mapahamak kapag nag-people power ulit ang mga Pilipino ay naglubid ng kung anu-anong dahilan para di-mapahamak ang kanilang tinatangkilik na Presidente.
Kaya executive privilege daw.
Matapos ang 10 araw na palugit na ibigay ang memorandum ng mga Senador at ni Neri ay hinatulan na ng Supreme Court ang isyu ng mga hangganan ng pribilehyo ng Presidente kaugnay sa kapangyarihan at karapatan ng Senado na imbestigahan ang tiwaling gawain nitong tiwali.
Dala marahil ng makitid na pananaw at makasariling interes, nagpasiya ang 9 sa mga Justices pabor kay Presidente at kay Neri.
May pagkakataon pa sana sila upang bawiin ang kanilang maling pasya at sagipin ang Korte Suprema at buong gobyerno sa sumpa at ngitngit ng Sambayanan hindi lamang sa kanila kundi sa pangkating Arroyo.
Malas, dahil may pagkakataon pa sana noon ang 9 na pumanig sa katotohanan pero hindi nila ito ginawa, sa bukas na pamamahala, sa pananagutan sa pagkakasala at katiwalian. Samantala, sana daluhan natin ang mga truth forums at mga pagkilos tungo sa pagsasakapangyarihan sa mamamayan para mabago natin ang takbo ng ating kasaysayan.

Tuesday, June 30, 2009

PAMANA NI MICHAEL JACKSON, MANANATILING BUHAY

ILANG araw matapos ang pagpanaw ng King of Pop na si Michael Jackson, naglabas ng opisyal na pahayag ang pamilya nito.
Pinasalamatan ang mga fans na hindi bumibitaw sa pagsuporta sa kanilang idolo.
Nagpapasalamat din ang pamilya sa mga fans ng anak na nakiramay sa anila'y isa sa pinakamadilim na bahagi ng kanilang buhay.
Umapela sila sa mga nagmamahal sa King of Pop na huwag ipagluksa ang pagpanaw ni Jackson dahil sa pamamagitan ng mga fans ay patuloy na mamumuhay ang superstar.
"Please do not despair, because Michael will continue to live on in each and every one of you," sinabi ni Joseph Jackson, ang ama ni Jackson.
Nanawagan ito sa mga tagasuporta ng anak na ipagpatuloy ang pagpapakalat ng mensahe ng kanilang idolo dahil ito ang nais na mangyari ng King of Pop.
"Continue to spread his message, because that is what he would want you to do. Carry on, so his legacy will live forever," dagdag pa ng pahayag ng pamilya.
Sa kasalukuyan ay labis nilang ipinagluluksa ang pagpanaw ng anak kung kaya't tila nawalan na sila ng komunikasyon sa outside world.
"Our beloved son, brother and father of three children has gone so unexpectedly, in such a tragic way and much too soon. It leaves us, his family, speechless and devastated to a point, where communication with the outside world," ayon pa kay Joseph Jackson.
Dagdag pa nito, "We miss Michael endlessly, our pain cannot be described in words. But Michael would not want us to give up now."
Samantala, pinuproblema naman ng mga concert organizers ng namayapang si Michael Jackson kung paano ire-reimburse ang mga ibinentang tiket na umaabot sa mahigit 750,000 para sana sa naudlot na comeback tour concert sa London.
Sinasabing umabot sa 50 million pounds o katumbas ng halos P4 billion ang halaga ng ibinentang tiket para sa naturang konsiyerto.
Kasabay ng kanilang pakikiramay sa pagpanaw ng king of pop, sinabi na rin ng AEG organization na dapat abangan ng mga fans ang abiso kung paano nila mare-reimburse ang mga biniling tickets.
Nabatid na dito sa Pilipinas, kabilang sa nakabili ng tiket ay si dating senador at ngayon ay Dangerous Drugs Board (DDD) Chairman Vicente Sotto III, kung saan lima ang kinuha nito na tinatayang nagkakahalaga ng P16, 000 bawat isa.

Friday, June 26, 2009

INSIDE THE PANTHER REVOLUTION

NANG magpasya ang black director, writer at aktor na si Melvin Van Peebles na ipalabas ang pelikulang "Sweet Sweetback's Baadasssss Song" noong 1971, tinawag ito ng maraming kritiko na eksploitibo, masyadong brutal at karima-rimarim.
Subalit ang mga fans gaya ni Black Panther Party founder Huey Newton ay tinawag ito bilang isang "great revolutionary document" at inobliga ang lahat ng mga kasapi ng partido na panoorin ang pelikulang ito.
Sa obserbasyon, parehong totoo ang mga pagsusuring ito.
Katunayan, nang ipakita ni Van Peebles sa mga itim ang lahi kung paano umahon sa putikan at dumurog ng mga mang-aapi kasama na rito ang mga karakter na pumipiglas o pumapalag sa mga mababalasik at mapang-aping pulis na nakapaligid sa kanila, ay maituturing na taal na tagumpay.
Gayunpaman, ibinenta ng pelikula ang banal at destruktibong imahe ng pagkaitim: Si Sweetback ay isang hustler na tanyag sa kanyang pagiging bihasa sa larangang sekswal at sa kabuuan ng pelikula ay hindi mabilang ang mga babaeng nakaniig ng bida.
Hindi nakapagtataka, ang pelikula ay itinuturing sa kasalukuyan bilang kauna-unahang klasikong "blaxploitation", parehong sa kabila at dahil na rin sa kagustuhan ng artista.
Binabasa ang "Will You Die With Me?,” sumunod ang makapanindig-balahibong pagtatapat ni Flores A. Forbes bilang isang top-ranking member ng military wing ng Black Panther Party at malapit na pinagkakatiwalaan ni Newton, na kalaunan ay nagising at nag-isip na kinailangang panoorin ng mga miyembro ng grupo ang "Sweetback."
Ipinaliwanag ni Forbes ang kahusayan nito sa iba’t ibang konteksto sa pamamagitan nang paglalahad kung bakit siya napasama sa grupo sa edad na 16: "While I had read about the Panthers that had been killed by the police," idinagdag niya sa artikulo, "what I really had on my mind was the black leather jacket and how I would look in one with my black beret cocked to the side with my afro sticking out."
Ang uri ng sensiyong kagustuhan o pagmamahal ni Forbes para sa samahan -- o para ihanay sa tribya ang mga kondisyon na sumusuporta rito –- ay magiging reduktibo at hindi pantay para kay Forbes at sa kasaysayan.
Ang ilang dahilan kung bakit ibinulalas ni Forbes ang kuwento na tangan ng kanyang kapangyarihan at kredibilidad ay ang kagustuhan niyang isakripisyo ang lahat sa sementadong kadahilanan.
"My job was one of the most secretive in the party," ayon sa kanyang artikulo, "and to this day most of the people who were in the Party over the years had not a clue as to what I really did."
Inamin din ni Forbes na ang kanyang sariling bayolenteng trahedya ay naghahagilap ng naratibong magpapalapit sa kanya sa mga nais niyang gawin, gaano man kasinsero: romansa, dedikasyon, pagkompromisong moral, implosyon.
Nang akusahan si Newton nang pamamaslang ng isang 17-year-old prostitute, at si Forbes ay tumutok sa star witness ng prosekusyon, ang isa’y nagpalagay na ang kwento ni Forbes ay isang case study ng malakihang pagtatawag ng armadong trahedyang pakikibaka.
Si Forbes ay isang survivor na gumawa ng bagay na dapat niyang gawin, pag-uunatin man ang masel o litid ng Panther o protektahan ang kanyang sarili sa bilangguan.
Sa kabuuan at kung susuriin, ipinalalagay niya ang kanyang sarili na halos eksklusibong personal, sa halip na kriminal, basehan mula sa mga kahinaan niya sa mga taon na ideolohikal at pilosopikal na pagkokondisyon sa pagbubulagbulagan kung paano magpupumiglas at bumalikwas.
Dahil ini-uugnay sa matibay na tagasunod na sundalo, nakakagulat at nakapagtatakang inobliga rin ni Newton ang kanyang mga miyembro na magbasa ng "The Godfather."
Lubhang mahalaga sa "teatro" ng Black Panther Party -- ang rebolusyon na ipinapalabas sa kasalukuyan ng marami bilang klasiko batay sa sarili nilang karapatan.
Ipinaaalala ni Forbes sa atin, na gaya ng "Sweetback," ang mga rebolusyon din o pag-aaklas ay maaaring piliin at maging eksploitibo, pareho at dahil na rin sa mga intensyon ng kanilang mga lider.
Nakalikha na rin ang mga ito ng maraming positibong pagbabago ngunit umiinog ang katotohanan na maaaring lamunin nito ang mga kabataan o ang kanilang mga anak.

Thursday, June 25, 2009

PACQUIAO, MAGUGULPI-SARADO SA PULITIKA

MAGUGUNITA na noong Mayo 29, muling nagkaroon ng dahilan ang mga Pinoy dahil sa pagkapanalo ni Manny “Pacman” Pacquiao sa laban niya kay Ricky Hatton.
Hindi man siya nanalo sa pamamagitan ng 1st round KO na siyang prediksiyon ng ilang sports analysts, katanggap-tanggap naman ang 3rd round knockout para patunayang siya ay mas magaling na boksingero kumpara kay Hatton.
Hindi maitatatwa na ang kanyang tagumpay ay tagumpay natin, partikular ng mahihirap.
Para sa nakararaming tila nawawalan na ng pag-asang gaganda pa ang buhay, kailangan ang tagumpay ni Pacman para maibsan ang dalamhati nating bunga ng araw-araw na pakikibaka para lang mabuhay.
Kumpara sa mga opisyal na estadistikang hindi makita ang koneksiyon sa kanilang buhay, damang-dama ng nakararaming mahihirap ang pagkapanalo ni Pacman kahit na wala naman silang direktang mahihita mula rito.
Hindi ba’t kay Pacman naman napunta ang milyun-milyong gantimpalang imposibleng kitain ng nakararami?
Kahit na sabihing kailangan pa ring bayaran ang iba pang taong tumulong sa kanya tulad ng trainer niyang si Freddie Roach, masasabing siya lang at ang kanyang pamilya ang lalo pang yayaman dahil sa kanyang tagumpay.
Kahit na may balato naman siyang ipamamahagi sa ibang kababayan, hindi naman maaasahang lahat ay mabibiyayaan niya.
Pero kahit na alam nating ganito ang sitwasyon, masaya pa rin tayo.
Ang kanyang kagalingan ay sapat na para maghatid ng magandang balita kahit ilang araw lang.
Para sa isang bansang ang pandarambong at pulitikal na pamamaslang ay tila ordinaryong pangyayari na, maiintindihan naman ang paghahanap ng mga balitang magpapangiti sa atin.
Ganoon naman ang naging papel ni Pacman sa buhay nating lahat mula nang makilala siya sa internasyonal na larangan ng boksing.
Nararamdaman natin ang mga suntok na binibitawan niya na nakakapagpatumba kahit sa magagaling na boksingero tulad nina David Diaz, Oscar dela Hoya, Erik Morales, Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez.
Damang-dama rin natin ang mga suntok na tumatama sa kanya na alam nating iniinda niya ang sakit.
Malaking salik ang pagiging galing sa hirap ni Pacman para suportahan siya ng nakararami.
Nakita natin ang kanyang pagpupursigi para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Nabalita ngang gumastos siya ng kalahating milyon para pag-aralin sa isang mamahaling paaralan ang kanyang mga anak.
Nagpatayo rin siya ng mansyon para sa kanyang pamilya at napabalitang nagbigay ng mamahaling sasakyan sa kanyang ina.
Tama si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sinabi niya sa isang pahayag na muling nagbigay si Pacman ng dahilan para may muling maipagmalaki ang mga Pinoy.
Pero dapat nating tandaang kailangan ang mga tagumpay ng mga katulad ni Pacman sa isang sitwasyong mayroon tayong administrasyong patuloy na tinutuligsa dahil sa krisis na nararamdaman ng nakararami.
Bagama’t may dahilan para ipagdiwang ang tagumpay ng mga kababayan natin, lubhang kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa hindi lang sa pagsuporta sa kanila kundi sa pagkilos para wakasan ang mga dahilan ng ating patuloy na paghihirap.
Buti na lang at nanalo si Pacman.
Itinuring ng nakararaming mahihirap na isa sa kanila si Pacman kahit ibang-iba na ang kanyang pinansyal na sitwasyon.
At dahil ayaw ng nakararaming masira ang ilusyon na inihahatid ni Pacman tuwing siya ay may laban, hindi siya ibinoto noong nakaraang eleksiyon para maging kinatawan sa House of Representa-thieves.
Alam ng mamamayan ang karumihan ng pulitika at ayaw nilang masira o magamit lang ng mga pulitiko ang “Pambansang Kamao.”
Ngayong tatakbo na naman si Pacman sa pagka-kongresista ng Saranggani, asahan nang uulanin siya ng kung anu-anong alegasyon.
Kung nakakaya ni Pacman ang mga umuulang suntok ng mga nakakalaban niya sa ibabaw ng ring, makakayanan kaya ng Pambansang Kamao na saluhin ang mga bigwas ng maruming pulitika?
Mananalo kaya siya sa laban niyang ito o magugulpi-sarado?
Kailan naman kaya mananalo ang nakararaming mamamayan sa kanilang laban sa buhay?

Monday, May 11, 2009

LUBOG SA KUMUNOY NG KAHIRAPAN

Halos wala silang ipinagkaiba sa mga tinderang nakaupo sa lilim ng mga payong, naghihintay sa ligid ng Plaza Miranda, minsa’y sumisigaw at kumakaway upang mang-akit ng mga nagdaraang tao.
’Yun nga lang, sa halip na paninda, mga lumang baraha ang nakalatag sa maliit na kahoy na lamesang kinumutan ng telang pula. Sa isang piraso ng karton nakasulat ang mga kataga: PALAD HOROSCOPE PROXY GAYUMA at iba pang serbisyong handog ng mga manghuhula sa Quiapo.
Apatnapung taon nang nasa hanapbuhay ng panghuhula si Madam Remy, 62. Aniya, 23-taong gulang siya nang matuklasan ang umano’y “regalo mula sa Diyos.” Taga-Sta. Mesa, sa pagiging diumano’y psychic niya napalaki at napaaral ang isang anak.
Ani Madam Remy, halos walang ipinagkaiba ang panghuhula sa pagtitinda—minsan malakas ang kita, minsan mahina. Lumalaro sa P50 hanggang P500 ang karaniwang singil sa mga serbisyo ng manghuhula. Pinakakaraniwan ang panghuhula sa baraha (P50 kapag ordinaryong baraha, P100 kapag tarot cards) at pagbabasa ng guhit ng palad ng kostumer. Mas mataas ang singil sa faith healing o panggagamot ng karamdaman sa pamamagitan ng umano’y psychic powers.
Kapag matumal ang dating ng mga kostumer, lalo na kapag Miyerkules kung kailan “lahat ng tao ay nasa Baclaran,” nakapag-uuwi lamang si Madam Remy ng P100. Ngunit tuwing Biyernes, kung kailan dagsa ang mga tao sa simbahan ng Quiapo, kumikita siya ng P500 hanggang P1000. Dumarating din kasi ang mga suki niya. Kapag mas matagal na sa hanapbuhay na ito, mas maraming suki.
Kaiba kay Madam Remy, limang taon pa lang nanghuhula si Madam Alma, 70, taga-Tondo. Dati siyang tindera ng prutas sa Divisoria. Nang hindi na kinaya ng katawan ang araw-araw na paglalako sa palengke, tinuruan siya ng isang matandang manghuhula ng ganoong hanapbuhay. “Kahit anong sabihin ko, naniniwala ang mga tao,” sabi ni Madam Alma hinggil sa kakayahan na hindi man “likas” ay natutunan din niya.
Tulad ng iba pang mga tindero’t tindera sa Quiapo, nagbabayad ang mga manghuhula ng puwesto sa barangay. Umaabot sa P80 kada araw ang singil, na para kay Madam Alma ay masakit sa bulsa kapag matumal ang negosyo, katulad nang araw na iyon na sinubukan kong “magpahula.” Alas-kuwatro na ng hapon, ako pa lang ang kostumer ni Madam Alma.
Sa totoo lang, wala namang kakaibang “hinulaan” si Madam Alma tungkol sa akin. Hindi pa nga nagkakatugma ang ilan niyang mga hula. (Ayon sa kanya, hindi ko makakatuluyan ang una kong kasintahan, ngunit sinabi ring pakakasalan ko ang kasalukuyan kong boyfriend—na, hindi ko lang masabi sa kanya, ay siya ring una kong kasintahan). Napaka-basic pa nga ang ilan sa mga payo niya, na nakakatawa kung pakinggan. Halimbawa, maging maingat daw ako sa pagtawid sa kalsada o huwag pumunta sa malalim kapag naliligo sa dagat. Ngunit marahil, ibinigay lang sa akin ni Madam Alma ang aking inaasahan—at iyon ay wala, maliban sa maisulat ang tungkol sa hanapbuhay ng mga manghuhula.
Kaiba ako kay Marylou Sanchez, 31, na nagpahula noong araw na iyon dahil mangingibang-bansa kinabukasan. Isang accounting manager, makikipagsapalaran siya bilang domestic helper sa Hongkong, sa pag-asang magiging tuntungan ito para permanenteng makapanirahan sa Canada.
Sa halagang P50, narinig ni Marylou ang gusto niyang marinig mula sa diumano’y psychic na kanyang kinontrata. “Ang sabi sa akin, matutupad daw ang mga pangarap ko basta maging masipag lang ako,” aniyang nakangiti, hawak pa ang envelope ng mga dokumento na kakailanganin sa bagong buhay bilang OFW (overseas Filipino worker).
Inamin ng mga manghulalang nakapanayam ko na hindi katulad noon, na karamihan sa mga nagpapahula ay humihingi ng payo hinggil sa pag-ibig o sa mga bagay na nawawala, ngayon ay isa lang ang nais malaman ng bulto ng mga nagpapahula: kung makakapag-abroad ba sila o hindi. Kadalasan, “nakikita” umano ng mga manghuhula na matutuloy ang pinapangarap na pangingibang-bansa ng kanilang mga kostumer. Ang mga makailang beses namang nabigo ay binebentahan ng mga manghuhula ng “gamot” na pampaalis umano ng malas.
Sinabi ni Marylou na nagpahula siya para lang makahanap ng kausap na magpapalakas ng kanyang loob sa haharaping pagsubok. Inamin niya na ang positibong pagtanaw sa buhay ang hanap ng mga katulad niyang bumibisita sa mga “psychic” ng Quiapo na “bihirang magsabi ng negatibo.”
Sa gitna ng malawak na disempleyo sa lungsod, may mga taong umaasa na lang sa paniniwala ng balana sa mundong metapisikal upang magkaroon ng disenteng hanapbuhay — na, kung tutuusin, ay halos kaparis nga ng pagtitinda ng sigarilyo, kendi at kung anu-ano pa sa bangketa. Ngunit sa halip na mga ganoon, ang tinda nila’y kaunting pag-asang kinakapitan naman ng mga kapwa-mamamayang lubog sa kumunoy ng kahirapan.

ISUSUKO NA SANA ANG PAGBURNAYAN NOONG DEKADA '70

Isusuko na sana ni Fidel Go ang pagburnayan noong dekada 70 nang magsidating sa bansa ang mga murang produktong plastik mula sa Tsina.
Unti-unti kasing iniwan ng mga taga-Vigan ang araw-araw na paggamit sa burnay, tradisyonal na sisidlang luwad na karaniwang pinaglalagakan ng tubig, asin, asukal at ng mga produktong binuburo katulad ng bagoong, suka at basi (lokal na alak mula sa katas ng tubo).
Ngunit nanghinayang si Fidel sa halos 20 metrong pugong hurnuhan ng luwad. Ipinagawa ng kanyang amang si Ongkai Go ang pugong bato noong 1922 nang itayo nito ang Ruby Pottery. Nang mamatay si Ongkai, tumigil din ang operasyon ng pagburnayan dahil wala sa mga anak niya ang naging interesado sa negosyo. Maliban na lamang kay Fidel.

MULING PAGBANGON
Sa inisyal na puhunang P70, na kinita sa pagtatrabaho bilang kahera sa isang groseri, ibinangon ni Fidel ang pagburnayan. Upang makaangkop sa nag-iibang panlasa ng mga kostumer dulot ng bagong mga teknolohiya, nilangkapan niya ng pagkamalikhain ang abilidad sa pagbuburnay. Produkto nito’y mga inobasyon sa tradisyonal na porma ng burnay. Dito ganap na nakilala si Fidel. Noong 1990, iginawad sa kanya ng National Commission for Culture and the Arts ang Manlilikha ng Bayan (National Folk Artist) bilang pagkilala sa kanyang ambag sa preserbasyon ng pangkulturang pamana (cultural heritage) ng Vigan, ipinagmamalaking sentrong pangkasaysayan ng rehiyon ng Ilokos.
Tinatayang dinala ng mga artisanong Intsik ang teknolohiya’t sining ng pagbuburnay bago pa man masakop ang Pilipinas ng mga Kastila noong 1572. Ginamit ito ng mga mangangalakal bilang sisidlan ng mga produktong dinadala sa Tsina at sa iba pang bahagi ng Asya.
Isa na rito ang lolo ni Fidel na si Pedro Go, na nagtayo ng pagburnayan sa kasagsagan ng industriya noong 1890. Noong 1916, pumunta sa Pilipinas ang pamangking si Ongkai para magtrabaho sa kanyang pabrika. Dito nahasa ang kakayahan na malaon niyang ginamit para itayo ang Ruby Pottery. Ngayon, isa ang pagawaan sa tatlo na lamang na natitirang pagburnayan sa bansa, matatagpuang lahat sa isang tahimik na kalsada sa Brgy. VIII ng Vigan.

ESPESYAL NA PROSESO
Mahaba at mabusising proseso ang pagbuburnay. Isang espesyal na klase ng luwad na matatagpuan sa kanluran ng Vigan ang ginagamit para rito. Pagmamay-ari ng Ruby Pottery ang isang ektaryang loteng pinagmumulan ng luwad. Pinagsasama ang luwad, putik at tubig sa isang hukay na nilalakaran ng kalabaw para maihalong maigi. Sigurado umanong hindi humahalo rito ang dumi at ihi ng kalabaw dahil sinanay ang hayop na itaas ang buntot tuwing dudumi, at mayroon ding sisidlan para saluhin ang ihi nito.
Kapag tama na ang lapot, maari nang linangin ang luwad. Habang nililinang ng artisano ang kapirasong luwad, pinapaikot ng isang katulong ang batong gulong hanggang sa mabuo ang porma ng luwad. (Nang tanungin si Fidel kung walang makina na maaaring magpaikot sa gulong, sagot nito’y mawawalan ng trabaho ang mga manggagawang gumagampan nito.)
Pinatutuyo ang luwad nang isang linggo sa lilim ng pabrika. (Ayon kay Fidel, hindi pinatutuyo sa araw ang luwad dahil magkakaroon ito ng mga biyak.) Saka ito ipinapasok sa hurno at iniluluto nang isang araw at kalahati.
Nagrerelyebo ang mga manggagawa sa paggagatong para tuluy-tuloy na tumakbo ang higanteng hurno. Ang mahabang panahon ng pagluluto sa mataas na temperatura ng luwad ang nagbibigay sa burnay ng tibay na higit pa sa ibang seramikong terra cotta.

UMUUNTING PARUKYANO
Sa ngayon, dahil kakaunti na lamang ang mga taga-Vigan na gumagamit ng burnay sa araw-araw, kadalasang parukyano ng Ruby Pottery ang mga turista at mga dealer na nagbebenta nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa at maging sa ibayong dagat.
Bukod sa tradisyonal na sisidlan, lumilikha ang pagawaan ng burnay na iba’t ibang laki at hugis. Marami sa mga burnay ang ginagawang dekorasyon, halimbawa’y sa hardin. Mayroon ding mga miniature o maliliit na burnay na siyang hilig bilhin ng mga turista bilang souvenir.
Dahil lumiliit ang lokal na pangangailangan sa burnay, pangarap ng mga pagburnayan na regular na mai-eksport ang kanilang mga produkto. Pana-panahong nakakakuha ang Ruby Pottery ng mga kostumer mula sa ibang bansa. Halimbawa, tatlong container vans ng burnay ang minsang inorder ng isang negosyanteng Belgian.
Ngunit ayon kay Fidel, mananatiling matumal ang kanilang negosyong eksport hanggang hindi ito sinusuportahan ng gobyerno. Malaki umano ang potensiyal na lumago ang eksport ng burnay, laluna sa United Kingdom.
Samantala, may isa pang produkto ang burnay na nakakatulong sa pagsalba ng industriya. Ito ay ang mga gibak o clay tiles na ginagamit bilang salt beds sa mga pagawaan ng asin sa lungsod ng Las Piñas at mga probinsya ng Laguna at Pangasinan. Daan-daan sa mga ito ang minamanupaktura ng Ruby Pottery.

ALAALA NG NAKARAAN
Ipinagmamalaki ni Fidel na sa mga natitirang pagburnayan sa Vigan, siya na lamang ang may-ari na patuloy na naglilinang ng luwad. Hindi rin siya nauubusan ng mga bagong imbensiyon, pinakahuli ang burnay na hugis bell tower or tore ng kampana na maaaring gawing lampara.
Sa walong anak nila ng kanyang asawang Pilipina, si Bingbong lamang ang tumutulong sa pabrika. Balang araw, siya ang magmamana sa Ruby Pottery. Simula pagkabata, nakahiligan na ni Bingbong ang bukod-tanging teknolohiya’t sining na dinala ng kanyang mga ninuno sa Pilipinas. Ito rin ang kabuhayang magtataguyod sa sarili niyang pamilya.Ayon kay Bingbong, tungkulin niyang siguruhing hindi namamatay ang mga baga sa malaking pugon. Katulad ng kanyang ama, tungkulin niya, kung hindi man tuluyang maibalik sa dating luwalhati, na panatilihing buhay ang industriya ng pagbuburnay, isa sa mga nalalabing alaala ng isang bansa bago ito naging kolonya.

ANG NAPAKALAKING PALABAS SA LALAWIGAN NG CEBU

SA taginting ng mahigit sa P1 Bilyon, napagtagumpayan ng gobyernong Arroyo na idaos ang isang engrandeng pagtatanghal para sa mga dayuhang bisita ng bansa noong ASEAN Summit.
Isang linggong naging entablado ang buong Cebu.
Ang props, mga bagong tanim na halaman, mga bagong pintang pader, at mga bagong tirik na poste (na nagkakahalaga ng P90,000 bawat isa). Ang backdrop, isang minadaling convention center, at mga kumikinang na kalsadang winalisan ng mga squatter at pulubi. Ang mga aktor, mga Cebuano na inempleyo para sumayaw, ngumiti, at maging kaaya-aya sa paningin – masdan, walang bakas ni anumang kahirapan. Siyempre, ang audience ay ang pandaigdigang komunidad na nais pasikatan ni Pangulong Arroyo.
Nanilbihan ang mga mamamayan sa nasabing palabas, silang mga hindi nakakatiyak kung madaraanan nila ang mga kalsadang maya’t maya ay bawal sa kanila dahil daraan ang mga VIP. Sa ngalan ng "kaayusan," ang iba’y ipinagbuwis ng kanilang mismong mga tahanan.
Hindi rin nagkandatuto ang gobyernong Arroyo para gastusan ang magagarang opisyal na reception o pagsalubong sa mga delegado ng Asean. Kinailangan ang higit na gimik, at gimik pa.
Noong Enero 14, sumilip ang mga presidential spouse sa Rajah Park, Cebu City. Para sa isang minutong pagdaan ng sasakyan ng mga panauhin, heto ang palabas: mga kabataang pinagsuot ng makukulay na damit at pinagsayaw ng vaudeville, mga kunwari’y tradisyunal na magkasintahan na nagliligawan sa parke, mga pamilya na nagpi-piknik kuno sa harap ng isang fountain (na ayon nga sa isang residente ay noon lang nagkatubig). Nang wala na ang mga panauhin, tigil na rin ang palabas. Nagbihis ang mga kabataan at balik sa parke ang mga palaboy at tindero ng yosi.
Ang tanging totoo sa kondukta ng mga awtoridad sa Asean Summit ay ang mahigpit na seguridad. Nagkalat ang mga pulis at militar, bantay-sarado ang bawat kilos ng mga tao, maging ng mga may opisyal na ID ng Asean. Isa ngang sikat na photojournalist ang pinagkamalang impostor ng mga nahihibang na pulis.
Kung sa bagay, hindi nakapagtataka. Salang-sala maging ang mga miyembro ng midya na pinayagang pumasok sa mga pulong o lumapit man lang sa mga panauhing pandangal para kumuha ng litrato.
Talagang walang napagkakatiwalaan ang may malaking kinatatakutan.

PROBLEMANG PANGMAHIRAP NA BANSA

PINAKAMALIGAYA kapag sumasayaw si Judell Sicam, dating artistic director ng isa sa nangungunang mga ballet dance company sa Pilipinas.
Kapag ikinatuwa ng mga manonood ang isang galaw na pinaghirapang gawing perpekto at iakma sa karakter na kanyang ginagampanan, pakiramdam ni Judell, wala na siyang mahihiling pa bilang mananayaw.
Pero ang totoo, bagaman world-class ang kalidad ng mga Pilipinong mananayaw tulad ni Judell, problemang pangmahirap na bansa ang kinakaharap nila: mababang suweldo at numinipis na manonood ng sayaw, na lalong bihirang panoorin ng ordinaryong tao.

PALIT-PROPESYON
Simula nang magbitiw sa Ballet Philippines o BP apat na taon na ang nakakaraan, hindi pa muling nakakaapak ng entablado si Judell. "Miss na miss" na niya ang pagsasayaw. Malayo ito sa ginagawa niya ngayon kasama ng iba pang dating direktor ng BP: ang pagtuturo ng Pilates, isang ispesyalisadong physical fitness program na unang ginamit sa pagkokondisyon ng katawan ng mga sundalo noong World War II. Bagaman ang Pilates ay nakatuon pa rin sa tamang pagkilos ng katawan, kalusugan, hindi sining, ang layon. "Para kang nag-aalaga ng pasyente," aniya.
Mataas ang ibinabayad ng mayayamang kliyente–umaabot ng P1,300 kada oras. Ikumpara ito sa bayad sa tiket — mula P300 hanggang P1,000 kada isa–sa katamtamang-laking teatro para sa ilang gabi ng palabas ng isang produksiyon ng ballet. Kung ito ang balon ng hanapbuhay, malinaw na ang una ay nag-uumapaw, habang ang huli, nasasaid.
Labinlimang taon ding ikinabuhay ni Judell ang pagsasayaw. Bata pa lamang ay nahumaling na siya sa ballet. "Kahit bagyo, gusto ko mag-ballet," aniya. Nagtapos sa Philippine High School for the Arts o PHSA at may diploma ng Performing Musical Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, naging isa siya sa pinakamahuhusay na talento ng BP.
Para mapanatiling de-kalidad ang mga palabas, mahigpit ang pagsasanay ng mga mananayaw sa kompanya. Ang trabaho, mula alas 2 ng hapon hanggang alas 10 ng gabi, Lunes hanggang Sabado. Pero mababa ang suweldo. Sa ngayon, ito ay nasa P6,000 lamang para sa mga apprentice at P15,000 para sa mga direktor. Para madagdagan ang kita, kadalasang nagtuturo sila ng ballet sa umaga.
Isa itong hanapbuhay na hindi ikatatagal ng isang mananayaw na walang mayamang pamilyang masasandalan. "Kaya lang ako nagtagal kasi (mahal ko ‘yung sining)," ani Judell. Pero nang magkaanak, napagpasyahan niyang "hindi ako puwedeng puro ballet lang."

SA DISNEYLAND
Halos pareho ang reyalisasyon ni Jojo Mamangun, isang kasamahan ni Judell sa BP na ngayo’y nagtatrabaho sa Disneyland Hongkong. Kabilang siya sa mga nangibang-bansa noong 2004 nang magbukas at maghanap ng mga mananayaw para sa malakihang mga produksiyon ang nasabing theme park.
"Fulfilled ako at masaya artistically, pero ‘nagugutom. ‘Yung antas ng sining dito maikukumpara sa ibang bansa. Ang problema lang, tumatanda na ako at hindi pa rin ako financially stable. Maikli lang ang buhay bilang mananayaw," sabi ni Jojo hinggil sa dating trabaho sa Pilipinas. Isa ring gradweyt ng PHSA, bihasa siya sa folk dance pero sinanay ng tanyag na choreographer na si Agnes Locsin para sa classical at modern ballet. Lumahok siya sa BP mula 1999 hanggang 2005.
Ang suweldo ng mga mananayaw ng Disneyland, halos walong beses ang laki sa suweldo ng mga ballerina sa bansa. Dahil dito, sulit ang pagkawalay sa mas seryoso at maunlad na tipo ng pagsasayaw. "Ngayon, kaya na naming maalagaan ang katawan namin nang regular, katulad ng pagpunta sa massage therapist, na di namin magawa noon. Mababaw na dahilan sa iba, pero sa mga dancers, katawan ang puhunan," ani Jojo.
Dahil paulit-ulit ang ginagawa araw-araw sa mga produksiyong di-nagbabago, hinahanap niya ang naglahong artistic challenge o hamong pansining. Para patuloy na maipahayag ang mapanlikhaing sarili, naglulusad sila ng mga dance class. "Kung hindi ito posible, kailangan mong maghanap ng ibang pagbubuhusan (ng sining)," ani Jojo, na sumabak din sa potograpiya bilang posibleng hanapbuhay pagkatapos ng pagsasayaw.

SUPORTA SA ARTISTA
Sa isang bansang matindi ang krisis pang-ekonomiya tulad ng Pilipinas, suporta at pagtangkilik sa sining, kapwa mula sa gobyerno at mga mamamayan, ang unang naisasakripisyo at nawawala. Damang-dama ito ng mga mananayaw. Ticket sales at perang ambag ng mga isponsor ang tanging bumubuhay sa isang ballet company. Pero umuunti ang mga nanonood ng mga palabas. Lumiliit din ang bilang ng mga kompanya at mayayamang indibidwal na sumusuporta sa ballet.
Noong dekada ’80, nasa 60 ang bilang ng mga mananayaw ng BP. Ngayon, nasa 30 o halos kalahati na lamang ito. Dati-rati, apat na produksiyon kada taon ang kaya nitong ilunsad. Ngayon, tatlo na lamang.
Hindi likas na mahilig ang mga Pilipino sa ballet, na tinitingnan na makaluma at elitistang sining. Pero naniniwala si Judell na kayang maengganyo ang mga manonood. "Para ka lang nanonood ng sine. Mas malakas pa nga ang dating minsan dahil sa movement, light, at costume. Alam mong damang-dama ng mananayaw yung karakter," aniya. Malaki rin umano ang potensiyal nito sa edukasyon ng publiko dahil pinapaksa ng mga produksiyon ng ballet ang kasaysayan at panlipunang mga reyalidad.
Gayunpaman, lalong problemado ang pagtangkilik sa ballet kung mismong mga mananayaw ay nahihirapang manatili rito. "Matagal nang nangyayari ito. Ang mga artista, mula visual artists hanggang performers, ay nag-a-abroad dahil wala o kaunti ang suporta ng gobyerno. Sa ibang bansa kasi, suportado ang sining. Sa atin, nakaka-frustrate isipin na sa dami ng magagaling na artista, di nasusuportahan," wika ni Jojo.
Hindi sana pipiliin ng mga ballerina na tulad nina Judell at Jojo ang ibang hanapbuhay maliban sa sayaw na matagal pinaghusayan at minahal, o di kaya’y gawin ito sa ibang bansa. Pero dahil dito sa Pilipinas, walang hanapbuhay sa sayaw o sabihin pa, sa anumang porma ng sining na hindi pelikula o telebisyon, masisisi ba sila?

ISKOLAR NA ANAK NG PINASLANG NA MAMAMAHAYAG: NAG-AARAL PARA MAGHILOM

NATIGIL sa pag-aaral si Rynche Garcia Arcones matapos barilin at mamatay sa harap nilang magkakapatid ang ina na si Marlene Esperat, isang mamamahayag mula sa Tacurong City na kilalang lumaban sa korapsiyon.
Ngayon, unti-unti nang bumabalik sa normal na buhay ni Rynche, 23. Masikhay at determinado si Rynche na matapos ang kursong Management Accounting. Ikaapat na taon ni Ryche sa kolehiyo sa darating na pasukan at sa katunayan, kumukuha pa ito ng summer classes para makahabol sa mga klaseng nabitawan nang dahil sa trahedyang naganap noong Marso 24, 2005.
Isa si Rynche sa 33 anak ng mga pinaslang na mamamahayag mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa na pinagkalooban ng scholarship ng BMSF (Bevil Mabey Study Foundation), KsK (Kasangga sa Kaunlaran), at NUJP (National Union of Journalists in the Philippines).
Hindi pa tapos ang paghahanap ng hustisya para sa pinaslang na mga mamamahayag pero sana’y makatulong ang scholarship na mabawasan ang paghihirap ng kanilang mga naulila, ayon kay Inday Espina-Varona, tagapangulo ng NUJP.
Sa ilalim ng gobyerno Arroyo, 39 mamamahayag ang napaslang nang dahil sa kanilang trabaho, ayon sa talaan ng NUJP. Dahil dito, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansang pinakapeligroso para sa mga mamamahayag. Pitumpu’t anim na mamamahayag na ang napaslang simula noong 1986.
Kamakailan, nagtipun-tipon ang mga iskolar sa Kamaynilaan para magkakilanlan, mabigyan ng counselling, at makapamasyal.
P1-Milyon kada taon sa loob ng limang taon ang ibibigay ng BMSF sa mga iskolar habang sasagutin naman ng KsK ang iba pang mga gastusin sa implementasyon ng bukod-tanging scholarship.

PAMANA NI MARLENE ESPERAT
Gumaan ang loob ni Rynche nang nakapagtestigo ito sa wakas noong Abril sa Cebu City Regional Trial Court (kung saan inilipat ang kaso ni Esperat mula Sultan Kudarat). Bagaman nakapaloob pa rin ang pamilya Esperat sa Witness Protection Program ng DOJ (Department of Justice), aniya’y nabawasan na ang takot nilang magkakapatid.
Noong buhay pa si Esperat, inihanda niya ang kanyang mga anak sa anumang maaring mangyari sa kanya at laging pinapayuhan ang mga ito na pahalagahan ang pag-aaral. "Sinasabi niya ‘may death threat ako, ikaw na bahala sa mga kapatid mo,’ dapat daw maging responsable kami, ayusin yung pag-aaral, kailangan magtapos kami," kuwento ni Rynche.
Dating opisyal ng DA (Department of Agriculture) si Esperat na nagbubulgar sa sari-saring katiwalian sa ahensiya simula pa noong dekada ‘90. Noong 2005, nagsampa si Esperat ng kaso laban sa matataas na opsiyal ng DA, kabilang si undersecretary Jocelyn Bolante, hinggil sa paggamit ng pondo sa abono para sa 2004 eleksiyon. Bago mamatay, si Esperat ay nagsusulat ng kolum para sa pahayagang Midland Review at may programa sa lokal na istasyon ng radyo.
Sa kabila ng nangyari, ipinagmamalaki ni Rynche ang kanyang ina dahil batid niya ang kahalagahan ng ipinaglaban nito. "Hindi naman kami bulag, laging ini-re-remind niya kami na yung ginagawa niya ay para rin sa future namin. Talagang nag-dedicate siya (ng buhay) sa mga tao kasi nakita niya yung mga problema sa gobyerno. Alam niya na kung pabayaan niya ‘yun, kami ding future generation ‘yung maaapektuhan," aniya.
Bukod kay Rynche, iskolar din ang mga kapatid nitong sina Janice May, 25, Kevin Jorge, 13, at James Derreck, 9.

LABAN NI ROMEO SANCHEZ
Malaking tulong ang scholarship para kay Elvira Sanchez, asawa ng pinaslang na mamamahayag na si Romeo Sanchez. Simula nang mamatay si Sanchez, walang ibang ikinabubuhay ang pamilya kundi ang maliit na negosyo ng pagluluto ni Elvira. Aniya’y mabuti na lamang at inako ng scholarship ang kalahati ng kabuuang gastos pang-edukasyon ng kanyang mga anak na sina Arantya Karizzah, 13, Arriane Karollyn, 22, Romeo Alezzandro, 10, at Rosenda Kalayaan, 9.
Si Sanchez, brodkaster ng istasyong DZNL sa Baguio City, manunulat para sa pahayagang Northern Dispatch, at koordineytor ng Bayan Muna party-list sa Ilocos, ay binaril sa pampublikong palengke sa Baguio City habang namimili.
Malaki ang trauma na dinanas ng pamilya Sanchez nang dahil sa nangyari. Kuwento ni Elvira, nag-iba ang pag-uugali ng kanyang mga anak na paminsa’y bigla na lamang nagiging bayolente. Maging siya, muntik na umanong "bumigay."
Ngunit sa halip na malugmok sa lungkot, naging aktibo si Elvira sa pangangampanya na makamit ang hustiya para sa kanyang asawa at iba pang mga aktibistang pinaslang sa rehiyon ng Cordillera.
Matatalino at nasa honor roll ang kanyang mga anak, pagmamalaki ni Elvira. Bunga umano ito ng pagsisikap noon ng kanilang ama na turuan sila sa iba’t ibang mga aralin, kabilang na dito ang pagsusulat.
Dalawa sa kanyang mga anak ang nagsusulat din para sa pahayagang pangkampus dahil "tinutularan nila ang kanilang ama."
Nagpapasalamat din si Elvira na mulat ang kanyang mga anak sa ipinaglalaban nilang mag-asawa. "Pati sila sumasama sa mga pagkilos namin, kahit alam nila kung gaano ka-risky," aniya.
Bilang tapagatanggol sa mga karapatang pantao, pinagbabantaan na rin ang buhay ni Elvira. Inirereklamo ni Elvira na wala pang naaarestong suspek at hindi umuusad ang kaso ng kanyang asawa. "Wala talagang lutas sa kaso kung sila rin (gobyerno) ‘yung gumawa," ani Elvira, na naniniwalang ahente ng militar ang pumaslang kay Sanchez.
Bagaman hindi pinanghihinaan ng loob si Elvira, inaamin nitong napapaiyak siya tuwing nakakakita o nakakarinig ng kaso ng pagpaslang sa aktibista o mamamahayag nang katulad ng kanyang asawa.

PAYO NI EDGAR AMORO
Para naman kina Edel Grace at Edel Christie, mga anak ng mamamahayag na si Edgar Amoro, pananalig sa Diyos ang tumutulong sa kanilang igpawan ang trahedyang sumapit.
Habang papauwi mula sa eskuwelahang pinagtuturuan, pinaslang noong Pebrero 2, 2005 si Amoro, pangunahing testigo sa pagkakapatay sa kapwa mamamahayag na si Edgar Damalerio ng Pagadian City.
Simula noong 2002, nasa ilalim sa Witness Protection Program ng DOJ ang buong pamilya ni Amoro.
Hinahangaan ni Edel Grace, 23, ang kanyang ama dahil sa kabila ng pagbabanta sa buhay at tangkang panunuhol, hindi ito bumitaw sa paghahanap ng hustisya para kay Damalerio hanggang sa kanya itong ikamatay. Isa rin umano itong human rights advocate at madalas tumuligsa sa korapsiyon sa gobyerno.
"Mahirap lang talaga (noong una) kasi hindi namin inaasahan, hindi pa kami ready na mawawala siya sa amin. Ngayon okay na, kasi alam namin na nandiyan lang siya, na nag-wa-watch lang siya sa amin," ayon kay Edel Christie, 15, na isa sa mga huling nakausap ng ama bago ito namatay.
Napilitan nang lumikas ang pamilya Amoro mula sa Pagadian City. Bagaman nakararanas na si Edel Christie nang kaunting luwag sa pagkilos, na-mi-miss niya ang kalayaang natatamasa noong wala pang banta sa kanilang buhay. Higit pa rito, na-mi-miss niya ang kanyang ama na labis niyang minamahal.
Ani Edel Christie, iskolar at 4th year haiskul sa darating na pasukan, susundin pa rin niya ang payo ng kanyang ama na huwag muna mag-boyfriend at sa halip ay paghusayan ang kanyang pag-aaral. Nais niyang maging maging nars, aniya’y para na rin makapangibang-bansa at mailayo ang pamilya sa takot at panganib.
Iskolar din ang mga kapatid ni Edel Christie na sina Edelangelo, 14 at Earl Mark, 12.
Mailap pa rin ang hustisya para sa mga pinaslang na mamamahayag na kinikilala bilang mga patriyotikong bayaning nagbuwis ng buhay alang-alang sa katotohanan at kalayaang magpahayag. Hindi man tuluyang mabura ang mapapait na alaalang kumintal sa murang isipan ng naulila nilang mga anak, patuloy ang paghilom nga mga ito sa pamamagitan ng pag-aaral at pagtuklas ng sariling maiaambag sa mundo.

KONTROBERSIYAL AT KRITIKAL NA HEDLAYN

BILANG patunay umano na napasok na ng mga komunista ang midya, sinabi ni Gonzales na karamihan sa mga balitang lumalabas sa hedlayn ay maka-Kaliwa at kontra sa gobyerno.
Bagay itong pinagtawanan ni Joe Pavia, tagapangulo ng Philippine Press Institute at beteranong mamamahayag. "Anong karapatan nila na sabihin iyon gayong hindi naman sila diyarista? Kahit sino, maaaring bigyang kahulugan ang balita ayon sa kanyang kinikilingan.
Bakit, kung right-leaning ba ang hedlayn, may problema? O walang problema dahil pabor sa kanila, ganon ba yon?" bulalas niya sa isang panayam.
Ayon naman kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng CPP, "Hindi resulta ng communist infiltration kung kritikal man sa gobyerno ang pag-uulat (ng midya). Marami lamang sa mga mamamahayag ang tumutupad ng kanilang tungkulin sa matapat na pagbabalita."
Idiniin ni Rosal ang mahalagang papel ng midya sa pagbibigay sa mga mamamayan ng tamang impormasyon at pagsusuri hinggil sa "kasinungalingan, korapsiyon, pagpapakatuta, brutalidad, at iba pang kabuktutan ng gobyernong Arroyo."

PANANAKOT AT TAKOT
Sa huli, takot sa hanay ng mga mamamahayag at pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang muling inihasik ng gobyernong Arroyo sa mga pahayag ni Gonzales.
"Maraming mamamahayag ang talagang natakot hindi dahil komunista sila, kundi dahil doon sa konteksto na maraming pinapatay at hindi alam kung sino yung pumapatay. Inilista yung media organizations na enemy of the state, kaya natatakot ang mga mamamahayag na maging target sila ng paniniktik. Kahit komunista ka o hindi, sa pag-profile pa lang sa iyo, isa na ’yang paglabag sa karapatang pantao," sabi ni Joe Torres, tagapangulo ng NUJP.
Noong 2004 at 2005, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansa na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag. May 10 na ang pinapatay ngayong taon. Umaabot sa 45 ang mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mas marami kaysa noong batas militar.
Dagdag pa ni Torres, "Dahil sa takot, mag-aalanganin na ang mamamahayag dun sa iinterbiyuhin niya. (At dahil sa pag-aalanganin), magkakaroon ng pagpipigil sa sarili o prior restraint. At kung may prior restraint, paglabag na ito sa kalayaan sa pamamahayag."

TULOY ANG TRABAHO
Batay sa karanasan ni Julie Alipala, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Zamboanga City, nakapinsala sa gawain niya ang pagbansag sa kanya ng AFP bilang "komunista." Ito’y dahil lamang sa minsang pagtatrabaho niya sa Ecumenical Movement for Justice and Peace, isang ligal na organisasyong pangkarapatang pantao na binabansagan ng militar bilang prenteng komunista.
"Hindi ka mabibigyan ng statement (ng AFP) kung di ka magpupumilit. Iniisip kasi nila, baka nagbibigay ka ng impormasyon sa kabila," sabi ni Alipala sa isang panayam.
Sa giyera laban sa bandidong Abu Sayyaf sa mga probinsya ng Basilan at Sulu kung saan napapasama ang imahe ng AFP sa mga balita, nangangamba si Alipala na baka "terorista" naman ang itawag sa midya kapag napikon ang militar. Noong 2002, nakatanggap ng banta sa buhay si Alipala matapos niyang ibulgar na AFP ang nasa likod ng pagdukot sa mga reporter ng GMA 7 na sina Carlo Lorenzo at Gilbert Ordiales.
Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng di-makatarungang pagbabansag at pagtrato, patuloy si Alipala sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag. "Lagi akong gumagawa ng mga ulat na laban sa militar, laban sa kahit kanino. At yung iba, natanggal na sa puwesto dahil sa pagbubulgar ko. Kaya kahit maraming pananakot, kapag nagsulat ka ng totoo, walang dahilan para matakot," aniya.
Baka higit pa sa isang press conference ang kailangang idaos ni Norberto Gonzales upang masawata ang mga nasa midya na patuloy na tumutupad ng tungkulin sa malaya at matapat na pamamahayag, sukdulang tawagin silang midyang Komunista. Tama po ba Madam ILANG-ILANG D. QUIJANO?

BAKIT MASAMA KUNG ITURING NG IBA ANG KOMUNISMO?

PARA kay Sen. Joker Arroyo, walang masama kung maging komunista ang isang miyembro ng midya dahil hindi naman ito ipinagbabawal sa isang demokrasyang katulad ng Pilipinas. "Hindi gumagawa ng krimen ang reporter na yumayakap sa komunismo dahil hindi krimen ang maniwala sa isang ideyolohiya," aniya.
Simula nang ibasura ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law noong 1992, dapat ay hindi na iligal ang maging kasapi ng CPP. Ngunit sa katotohanan at sa takbo ng mga pangyayari, iligal pa rin. Itinuturing pa ring "pinakamasasamang kaaway" ng gobyerno ang mga indibidwal at grupo na tinataguriang "komunista." Lantarang ginagamit ang bansag na ito para supilin at dahasin maski ang mga miyembro ng midya.
Nang magdeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, unang iniutos ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagsasara at takeover sa mga pasilidad ng midya para umano mapigilan ang pagdaloy ng "propagandang komunista." Inaresto at ikinulong ang maraming mamamahayag.
Noong 2005, inilabas ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang kontrobersiyal na presentasyong PowerPoint na "Knowing the Enemy." Kasama ng iba pang mga legal na organisasyong pangmasa, tinukoy ng militar na ang NUJP, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at ang premyadong Philippine Center for Investigative Journalism, ay nasa ilalim ng CPP.
Nang ideklara ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 24 ang state of national emergency para pigilan umano ang mga puwersang maka-Kaliwa at maka-Kanan na "nagsabwatan sa pagpapabagsak ng gobyerno," isa ang midya sa mga unang binalingan ng galit. Hinalughog at binantayan ang tanggapan ng Daily Tribune—pahayagang kilalang kritikal sa pamunuang Arroyo. Tiniktikan din ang magasing Newsbreak at nagdeploy ng mga sundalo sa palibot ng ABS-CBN at GMA 7. Iyan ang sabi ni Madam ILANG-ILANG D. QUIJANO!

HUWAG BANSAGANG ‘KOMUNISTA’ ANG 'MEDIA'

NAROON siya, nakaupong isang akbay lang ang layo kay Maj. Gen. Jovito Palparan, habang banayad na inilalahad ang "impiltrasyon ng mga Komunista sa masmidya" sa Kapihan ng Bayan sa Sulo Hotel nitong Agosto 21. Larawan siya ng isang burukratang ganap na nakakatiyak sa katumpakan at katarungan ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bunganga. Ito’y kumpiyansang makukuha lamang ng isang nilalang kung siya ay gaya ng isang Norberto Gonzales, tagapayo ng presidente sa pambansang seguridad.
Ang nagsasalita ay wala ngang iba kundi siya.
Ngunit hindi na bago ang tesis ni Gonzales. Kung bomba ang inaasahan niyang pasabugin sa nasabing press conference, kalpot ang putok noon. Lumang tugtuging pinagsawaan na ng panahon ang pagbabansag niya sa mga mamamahayag bilang "Komunista." Ang masama pa nito, tila siya isang mapanlarong kolumnista ng tsismis na walang kayang maihayag kundi ang iwas-pusoy na blind items.
Ayon sa mga beteranong mamamahayag, laging ginagamit ng gobyernong nasa krisis ang taktika ng red-baiting tuwing batbat ang mga hedlayn ng kapalpakan at kamalian ng mga nasa poder.
Pangamba ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), ginagawa ito ng gobyerno hindi lamang para sirain ang imahe ng midya at ang kredibilidad ng kanilang mga ulat, kundi para bigyang-katwiran din ang patuloy na pamamaslang ng mga mamamahayag, tulad ng pagpatay ng mga aktibista na napakadaling bansagang miyembro ng CPP (Communist Party of the Philippines).
Nang hindi nagbabanggit ng mga bilang o pangalan, tiniyak ni Gonzales na may ilang mamamahayag na nirerekrut ng CPP. "At mukhang nagtatagumpay (ang CPP)," sabi niya.
Bagaman siniguro ni Gonzales na hindi magkakaroon ng sensura at pagtugis sa mga mamamahayag na umano’y miyembro o sumisimpatiya sa CPP, nagbabala siya para bantayan ng midya ang kanilang hanay.
Inamin din ng tagapayo ni Arroyo na ginagawa ng gobyerno ang profiling o paggawa ng dosyer ng mga miyembro ng midya. Ang dosyer ay instrumento ng military intelligence sa pag-iipon ng "derogatory information" tungkol sa tinatarget nitong mga tao.
Sinang-ayunan naman ng Malakanyang ang mga umano’y "nakakabahalang obserbasyon" ni Gonzales hinggil sa mga mamamahayag. "Kung alam natin kung sino sila, dapat siguruhing hindi sila lalabag sa Revised Penal Code," sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita.
Ngunit sinalubong ng pagkondena ng mga senador at mga grupo ng mamamahayag ang deklarasyon ni Gonzales. Ayon sa kanila, tahasang kapraningan, pananakot, at paglabag sa karapatang pantao ng mga nasa masmidya at kalayaan sa pamamahayag ang nasabing mga akusasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Vergel Santos, tagapangulo ng Board of Trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility, na "ginawa na ni Marcos ang pagbansag na komunista sa midya, at ginagawa ulit ito ngayon ng administrasyong Arroyo. Isa itong lumang patibong na ginagamit lagi ng administrasyong walang kumpiyansa sa sarili."

MALINAW NA NASA LIKOD NG SENSURA AT PAMBABABOY

KINASANGKAPAN na ni Pangulong Arroyo ang lahat para sa lumalabas na hilig sa sensura. Hindi na lamang ang Movie and Television Review and Classification Board, na nagbawal sa pagpapalabas ng mga programa at pelikula na wari nito tumutuligsa sa mga polisiya ng gobyerno. Hindi na lamang ang mga utos-ehekutibo, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magsalita sa Kongreso hinggil sa samu’t saring kontrobersiya. Hindi na lamang ang Unang Ginoo, na nagsampa ng patung-patong na kasong libelo laban sa mga mamamahayag na ginagawa ang kanilang tungkuling ilabas ang mga istorya ng katiwalian. Maging ang PSG (Presidential Security Group), binigyan ng tungkuling lampas-lampas sa pagseseguro sa kanyang pisikal na kaligtasan: ang iutos ang "pambababoy" sa miyural ng NPC (National Press Club).
Isang grupo ng mga artistang tinatawag na Neo-Angono Artists Collective ang kinomisyon ng NPC para lumikha ng miyural na may sukat na 8 x 32 talampakan. Tatlong buwan ng "dugo, pawis, puyat ang ipinundar namin dito para sinsinin ang pinakamaliliit na detalye ng napakalaking miyural at ang lahat ng elementong ito ay magkakaugnay," ayon kay Richard Gappi, pangulo ng grupo. Ang miyural ay nagpapakita ng kilalang mga peryodista at pambansang bayani na tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag mula noong panahon ng pananakop ng Kastila (Marcelo H. Del Pilar, Mariano Ponce, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Antonio Luna) hanggang sa panahon ng batas militar at sa kasalukuyan (Chino Roces, Eugenia Apostol, Letty Jimenez-Magsanoc, Ninoy Aquino, Conrado de Quiros, Randy David). Hindi mga indibidwal na nakaaangat sa lipunan ang pagsasalarawan sa kanila. Dahil nais ipahayag ng mga artista na ang "pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang para sa mga peryodista at manunulat kundi para sa mga mamamayan," ipininta ang mga nasabing indibidwal bilang ordinaryong mga tao na iyong makahahalubilo sa kalsada. Hitik din ang mural sa mga imahen at simbolismo na nagpapakita ng mga pagsubok na hinaharap ng mga mamamahayag (may rali ng mga grupo laban sa pagpaslang at pagsupil sa kanilang hanay) at halaga ng midya (mga taong binabasa sa mga pahayagan ang maiinit na isyung panlipunan at nagtatalakayan hinggil dito). Para sa mga artista, ito ang tunay na tradisyon ng pamamahayag na sinasabing malaya: lahok sa masa, mulat sa reyalidad, at palaban.
Noon at ngayon, takot ang Estado sa ganitong tradisyon. Sinasandigan nito ang mito ng pagiging niyutral o walang pinapanigan ng midya. Sa aktuwal, ang pagpanig sa wala ay pagpanig sa anumang umiiral na kaayusan, pagpanig laban sa pagbabagong panlipunan. Namamayani ang tradisyon ng pagiging niyutral sa NPC bilang kalipunan ng mga peryodistang itinayo ng midyang kontrolado pa ng mga kolonyalistang Amerikano, kagagawad pa lamang ng "pambansang pagsasarili" noong 1952. Ang katayuan nito bilang "tagapagtaguyod ng kalayaan sa pamamahayag" ay ipinundar lamang ng ilang opisyal nitong itinuturing na peryodistang aktibista noong batas militar tulad nina Satur Ocampo, Antonio Zumel, at Antonio Nieva. Kumupas na rin ang katayuang ito.
Di nakakapagtaka, kung gayon, na hinayaan ng mga opisyal ng NPC na purgahin ng PSG ang mga elementong umano’y "maka-kaliwa" sa miyural – tulad kung paano pinupurga ng mga ahente ng Estado ang mga taong "maka-kaliwa" sa pamamagitan ng pagpatay at pagdukot. Ang "pambababoy" ay hindi lamang paglabag sa sensibilidad ng mga artistang lumikha nito na inihimutok maging ng kilalang artistang biswal na si Mauro Santos o Malang. Ang "pambababoy" ay pinatindi dahil ito ay sensura. Ang miyural ay may mensaheng pampulitika na mahalagang manatili sa kanbas (canvass).
Kahiya-hiya para kay Pangulong Arroyo ang mensaheng ito. Naniniwala ang marami na kasing-lupit o mas malupit pa siya sa pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag kaysa sa diktador na si Ferdinand Marcos. Kaya’t pinilit niyang burahin ang alaala ng mga krimen ng sariling rehimen mula sa kasaysayang isinasalarawan ng miyural. Pinilit putulin ang ugnay ng nakaraan sa kasalukuyan. Narito ang mga pagbabagong iniutos ng NPC para ihanda ang miyural sa pagpapasinaya ni Arroyo sa ika-55 anibersaryo ng NPC:
• Inalis ang editoryal ng International Federation of Journalists, pandaigdigang organisasyon ng mga mamamahayag, na kumokondena sa Human Security Act o batas kontra-terorismo ni Pangulong Arroyo bilang banta sa kalayaan sa pamamahayag. Pinalitan ito ng "karima-rimarim" na ibong nasa hawla.
• Pinalitan ang ulo sa diyaryong binabasa ni Jose Rizal. Mula "Press Freedom Fighter’s Son Abducted", ginawang "Press Freedom Fight Is On." Tinutukoy ng una si Jonas, anak ni Joe Burgos, tagapagtatag ng matatapang na pahayagang We Forum at Malaya noong panahon ng batas militar. Dinukot si Jonas noong Abril 28 ng mga hinihinalang militar.
• Binura ang pangalan ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines) mula sa karatula ng grupo ng mga raliyistang mamamahayag. Ang NUJP ang naging pinaka-aktibo sa pagtuligsa sa kawalang-aksiyon ng gobyernong Arroyo sa dumaraming kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
• Inalis ang alibata ng letrang K, sumisimbolo sa Katipunan, na tato sa braso ni Andres Bonifacio. Pinalitan ito ng pinanang puso.
• Pinahaba ang buhok at bigote ng kolumnistang si Randy David.
• Ginawang itim ang puting buhok ng kolumnistang si Juan Mercado.
Ang ganitong "huling-minutong" pagbago ng NPC sa likhang-sining bilang paninikluhod sa may kapangyarihan ay maaaring ihalintulad sa ginawa ng UN (United Nations) sa obrang kontra-giyera na ‘Guernica’ ng pintor na si Pablo Picasso. Komemorasyon ang ‘Guernica’ sa madugong atake sa isang pamayanan sa Espanya noong 1937 ng mga puwersang Aleman na sumuporta sa diktadura ni Francisco Franco. Tinakpan ang miyural na nakasabit sa Security Council Chamber ng UN nang magsalita rito si US Secretary of State Colin Powell noong 2003 para igiit ang katuwiran ng giyerang agresyon ng US sa Iraq. Kung sakali, parang nag-aakusang mga mata ang ‘Guernica’ kay Powell. Gayundin ang magiging silbi ng orihinal na miyural sa NPC kay Arroyo.
Pinagbibintangan ng mga opisyal ng NPC ang Neo-Angono Artists Collective na hindi tumupad sa kasunduan na iiwasan ang "pulitika" sa likhang-sining. Ayon naman sa mga artista, walang ganoong kasunduan. Ang malinaw lamang, may pambababoy at sensura sa udyok ni Pangulong Arroyo. Hindi ito kailanman mabubura sa kanbas ng kasaysayan ng kalayaan sa pamamahayag.