Thursday, June 25, 2009

PACQUIAO, MAGUGULPI-SARADO SA PULITIKA

MAGUGUNITA na noong Mayo 29, muling nagkaroon ng dahilan ang mga Pinoy dahil sa pagkapanalo ni Manny “Pacman” Pacquiao sa laban niya kay Ricky Hatton.
Hindi man siya nanalo sa pamamagitan ng 1st round KO na siyang prediksiyon ng ilang sports analysts, katanggap-tanggap naman ang 3rd round knockout para patunayang siya ay mas magaling na boksingero kumpara kay Hatton.
Hindi maitatatwa na ang kanyang tagumpay ay tagumpay natin, partikular ng mahihirap.
Para sa nakararaming tila nawawalan na ng pag-asang gaganda pa ang buhay, kailangan ang tagumpay ni Pacman para maibsan ang dalamhati nating bunga ng araw-araw na pakikibaka para lang mabuhay.
Kumpara sa mga opisyal na estadistikang hindi makita ang koneksiyon sa kanilang buhay, damang-dama ng nakararaming mahihirap ang pagkapanalo ni Pacman kahit na wala naman silang direktang mahihita mula rito.
Hindi ba’t kay Pacman naman napunta ang milyun-milyong gantimpalang imposibleng kitain ng nakararami?
Kahit na sabihing kailangan pa ring bayaran ang iba pang taong tumulong sa kanya tulad ng trainer niyang si Freddie Roach, masasabing siya lang at ang kanyang pamilya ang lalo pang yayaman dahil sa kanyang tagumpay.
Kahit na may balato naman siyang ipamamahagi sa ibang kababayan, hindi naman maaasahang lahat ay mabibiyayaan niya.
Pero kahit na alam nating ganito ang sitwasyon, masaya pa rin tayo.
Ang kanyang kagalingan ay sapat na para maghatid ng magandang balita kahit ilang araw lang.
Para sa isang bansang ang pandarambong at pulitikal na pamamaslang ay tila ordinaryong pangyayari na, maiintindihan naman ang paghahanap ng mga balitang magpapangiti sa atin.
Ganoon naman ang naging papel ni Pacman sa buhay nating lahat mula nang makilala siya sa internasyonal na larangan ng boksing.
Nararamdaman natin ang mga suntok na binibitawan niya na nakakapagpatumba kahit sa magagaling na boksingero tulad nina David Diaz, Oscar dela Hoya, Erik Morales, Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez.
Damang-dama rin natin ang mga suntok na tumatama sa kanya na alam nating iniinda niya ang sakit.
Malaking salik ang pagiging galing sa hirap ni Pacman para suportahan siya ng nakararami.
Nakita natin ang kanyang pagpupursigi para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Nabalita ngang gumastos siya ng kalahating milyon para pag-aralin sa isang mamahaling paaralan ang kanyang mga anak.
Nagpatayo rin siya ng mansyon para sa kanyang pamilya at napabalitang nagbigay ng mamahaling sasakyan sa kanyang ina.
Tama si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sinabi niya sa isang pahayag na muling nagbigay si Pacman ng dahilan para may muling maipagmalaki ang mga Pinoy.
Pero dapat nating tandaang kailangan ang mga tagumpay ng mga katulad ni Pacman sa isang sitwasyong mayroon tayong administrasyong patuloy na tinutuligsa dahil sa krisis na nararamdaman ng nakararami.
Bagama’t may dahilan para ipagdiwang ang tagumpay ng mga kababayan natin, lubhang kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa hindi lang sa pagsuporta sa kanila kundi sa pagkilos para wakasan ang mga dahilan ng ating patuloy na paghihirap.
Buti na lang at nanalo si Pacman.
Itinuring ng nakararaming mahihirap na isa sa kanila si Pacman kahit ibang-iba na ang kanyang pinansyal na sitwasyon.
At dahil ayaw ng nakararaming masira ang ilusyon na inihahatid ni Pacman tuwing siya ay may laban, hindi siya ibinoto noong nakaraang eleksiyon para maging kinatawan sa House of Representa-thieves.
Alam ng mamamayan ang karumihan ng pulitika at ayaw nilang masira o magamit lang ng mga pulitiko ang “Pambansang Kamao.”
Ngayong tatakbo na naman si Pacman sa pagka-kongresista ng Saranggani, asahan nang uulanin siya ng kung anu-anong alegasyon.
Kung nakakaya ni Pacman ang mga umuulang suntok ng mga nakakalaban niya sa ibabaw ng ring, makakayanan kaya ng Pambansang Kamao na saluhin ang mga bigwas ng maruming pulitika?
Mananalo kaya siya sa laban niyang ito o magugulpi-sarado?
Kailan naman kaya mananalo ang nakararaming mamamayan sa kanilang laban sa buhay?

No comments: