Monday, May 11, 2009

PROBLEMANG PANGMAHIRAP NA BANSA

PINAKAMALIGAYA kapag sumasayaw si Judell Sicam, dating artistic director ng isa sa nangungunang mga ballet dance company sa Pilipinas.
Kapag ikinatuwa ng mga manonood ang isang galaw na pinaghirapang gawing perpekto at iakma sa karakter na kanyang ginagampanan, pakiramdam ni Judell, wala na siyang mahihiling pa bilang mananayaw.
Pero ang totoo, bagaman world-class ang kalidad ng mga Pilipinong mananayaw tulad ni Judell, problemang pangmahirap na bansa ang kinakaharap nila: mababang suweldo at numinipis na manonood ng sayaw, na lalong bihirang panoorin ng ordinaryong tao.

PALIT-PROPESYON
Simula nang magbitiw sa Ballet Philippines o BP apat na taon na ang nakakaraan, hindi pa muling nakakaapak ng entablado si Judell. "Miss na miss" na niya ang pagsasayaw. Malayo ito sa ginagawa niya ngayon kasama ng iba pang dating direktor ng BP: ang pagtuturo ng Pilates, isang ispesyalisadong physical fitness program na unang ginamit sa pagkokondisyon ng katawan ng mga sundalo noong World War II. Bagaman ang Pilates ay nakatuon pa rin sa tamang pagkilos ng katawan, kalusugan, hindi sining, ang layon. "Para kang nag-aalaga ng pasyente," aniya.
Mataas ang ibinabayad ng mayayamang kliyente–umaabot ng P1,300 kada oras. Ikumpara ito sa bayad sa tiket — mula P300 hanggang P1,000 kada isa–sa katamtamang-laking teatro para sa ilang gabi ng palabas ng isang produksiyon ng ballet. Kung ito ang balon ng hanapbuhay, malinaw na ang una ay nag-uumapaw, habang ang huli, nasasaid.
Labinlimang taon ding ikinabuhay ni Judell ang pagsasayaw. Bata pa lamang ay nahumaling na siya sa ballet. "Kahit bagyo, gusto ko mag-ballet," aniya. Nagtapos sa Philippine High School for the Arts o PHSA at may diploma ng Performing Musical Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, naging isa siya sa pinakamahuhusay na talento ng BP.
Para mapanatiling de-kalidad ang mga palabas, mahigpit ang pagsasanay ng mga mananayaw sa kompanya. Ang trabaho, mula alas 2 ng hapon hanggang alas 10 ng gabi, Lunes hanggang Sabado. Pero mababa ang suweldo. Sa ngayon, ito ay nasa P6,000 lamang para sa mga apprentice at P15,000 para sa mga direktor. Para madagdagan ang kita, kadalasang nagtuturo sila ng ballet sa umaga.
Isa itong hanapbuhay na hindi ikatatagal ng isang mananayaw na walang mayamang pamilyang masasandalan. "Kaya lang ako nagtagal kasi (mahal ko ‘yung sining)," ani Judell. Pero nang magkaanak, napagpasyahan niyang "hindi ako puwedeng puro ballet lang."

SA DISNEYLAND
Halos pareho ang reyalisasyon ni Jojo Mamangun, isang kasamahan ni Judell sa BP na ngayo’y nagtatrabaho sa Disneyland Hongkong. Kabilang siya sa mga nangibang-bansa noong 2004 nang magbukas at maghanap ng mga mananayaw para sa malakihang mga produksiyon ang nasabing theme park.
"Fulfilled ako at masaya artistically, pero ‘nagugutom. ‘Yung antas ng sining dito maikukumpara sa ibang bansa. Ang problema lang, tumatanda na ako at hindi pa rin ako financially stable. Maikli lang ang buhay bilang mananayaw," sabi ni Jojo hinggil sa dating trabaho sa Pilipinas. Isa ring gradweyt ng PHSA, bihasa siya sa folk dance pero sinanay ng tanyag na choreographer na si Agnes Locsin para sa classical at modern ballet. Lumahok siya sa BP mula 1999 hanggang 2005.
Ang suweldo ng mga mananayaw ng Disneyland, halos walong beses ang laki sa suweldo ng mga ballerina sa bansa. Dahil dito, sulit ang pagkawalay sa mas seryoso at maunlad na tipo ng pagsasayaw. "Ngayon, kaya na naming maalagaan ang katawan namin nang regular, katulad ng pagpunta sa massage therapist, na di namin magawa noon. Mababaw na dahilan sa iba, pero sa mga dancers, katawan ang puhunan," ani Jojo.
Dahil paulit-ulit ang ginagawa araw-araw sa mga produksiyong di-nagbabago, hinahanap niya ang naglahong artistic challenge o hamong pansining. Para patuloy na maipahayag ang mapanlikhaing sarili, naglulusad sila ng mga dance class. "Kung hindi ito posible, kailangan mong maghanap ng ibang pagbubuhusan (ng sining)," ani Jojo, na sumabak din sa potograpiya bilang posibleng hanapbuhay pagkatapos ng pagsasayaw.

SUPORTA SA ARTISTA
Sa isang bansang matindi ang krisis pang-ekonomiya tulad ng Pilipinas, suporta at pagtangkilik sa sining, kapwa mula sa gobyerno at mga mamamayan, ang unang naisasakripisyo at nawawala. Damang-dama ito ng mga mananayaw. Ticket sales at perang ambag ng mga isponsor ang tanging bumubuhay sa isang ballet company. Pero umuunti ang mga nanonood ng mga palabas. Lumiliit din ang bilang ng mga kompanya at mayayamang indibidwal na sumusuporta sa ballet.
Noong dekada ’80, nasa 60 ang bilang ng mga mananayaw ng BP. Ngayon, nasa 30 o halos kalahati na lamang ito. Dati-rati, apat na produksiyon kada taon ang kaya nitong ilunsad. Ngayon, tatlo na lamang.
Hindi likas na mahilig ang mga Pilipino sa ballet, na tinitingnan na makaluma at elitistang sining. Pero naniniwala si Judell na kayang maengganyo ang mga manonood. "Para ka lang nanonood ng sine. Mas malakas pa nga ang dating minsan dahil sa movement, light, at costume. Alam mong damang-dama ng mananayaw yung karakter," aniya. Malaki rin umano ang potensiyal nito sa edukasyon ng publiko dahil pinapaksa ng mga produksiyon ng ballet ang kasaysayan at panlipunang mga reyalidad.
Gayunpaman, lalong problemado ang pagtangkilik sa ballet kung mismong mga mananayaw ay nahihirapang manatili rito. "Matagal nang nangyayari ito. Ang mga artista, mula visual artists hanggang performers, ay nag-a-abroad dahil wala o kaunti ang suporta ng gobyerno. Sa ibang bansa kasi, suportado ang sining. Sa atin, nakaka-frustrate isipin na sa dami ng magagaling na artista, di nasusuportahan," wika ni Jojo.
Hindi sana pipiliin ng mga ballerina na tulad nina Judell at Jojo ang ibang hanapbuhay maliban sa sayaw na matagal pinaghusayan at minahal, o di kaya’y gawin ito sa ibang bansa. Pero dahil dito sa Pilipinas, walang hanapbuhay sa sayaw o sabihin pa, sa anumang porma ng sining na hindi pelikula o telebisyon, masisisi ba sila?

No comments: