Monday, May 11, 2009

BAKIT MASAMA KUNG ITURING NG IBA ANG KOMUNISMO?

PARA kay Sen. Joker Arroyo, walang masama kung maging komunista ang isang miyembro ng midya dahil hindi naman ito ipinagbabawal sa isang demokrasyang katulad ng Pilipinas. "Hindi gumagawa ng krimen ang reporter na yumayakap sa komunismo dahil hindi krimen ang maniwala sa isang ideyolohiya," aniya.
Simula nang ibasura ang Republic Act 1700 o Anti-Subversion Law noong 1992, dapat ay hindi na iligal ang maging kasapi ng CPP. Ngunit sa katotohanan at sa takbo ng mga pangyayari, iligal pa rin. Itinuturing pa ring "pinakamasasamang kaaway" ng gobyerno ang mga indibidwal at grupo na tinataguriang "komunista." Lantarang ginagamit ang bansag na ito para supilin at dahasin maski ang mga miyembro ng midya.
Nang magdeklara ng batas militar noong Setyembre 21, 1972, unang iniutos ng diktador na si Ferdinand Marcos ang pagsasara at takeover sa mga pasilidad ng midya para umano mapigilan ang pagdaloy ng "propagandang komunista." Inaresto at ikinulong ang maraming mamamahayag.
Noong 2005, inilabas ng AFP (Armed Forces of the Philippines) ang kontrobersiyal na presentasyong PowerPoint na "Knowing the Enemy." Kasama ng iba pang mga legal na organisasyong pangmasa, tinukoy ng militar na ang NUJP, ang pinakamalawak na organisasyon ng mga mamamahayag sa Pilipinas at ang premyadong Philippine Center for Investigative Journalism, ay nasa ilalim ng CPP.
Nang ideklara ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 24 ang state of national emergency para pigilan umano ang mga puwersang maka-Kaliwa at maka-Kanan na "nagsabwatan sa pagpapabagsak ng gobyerno," isa ang midya sa mga unang binalingan ng galit. Hinalughog at binantayan ang tanggapan ng Daily Tribune—pahayagang kilalang kritikal sa pamunuang Arroyo. Tiniktikan din ang magasing Newsbreak at nagdeploy ng mga sundalo sa palibot ng ABS-CBN at GMA 7. Iyan ang sabi ni Madam ILANG-ILANG D. QUIJANO!

No comments: