Tuesday, June 30, 2009

PAMANA NI MICHAEL JACKSON, MANANATILING BUHAY

ILANG araw matapos ang pagpanaw ng King of Pop na si Michael Jackson, naglabas ng opisyal na pahayag ang pamilya nito.
Pinasalamatan ang mga fans na hindi bumibitaw sa pagsuporta sa kanilang idolo.
Nagpapasalamat din ang pamilya sa mga fans ng anak na nakiramay sa anila'y isa sa pinakamadilim na bahagi ng kanilang buhay.
Umapela sila sa mga nagmamahal sa King of Pop na huwag ipagluksa ang pagpanaw ni Jackson dahil sa pamamagitan ng mga fans ay patuloy na mamumuhay ang superstar.
"Please do not despair, because Michael will continue to live on in each and every one of you," sinabi ni Joseph Jackson, ang ama ni Jackson.
Nanawagan ito sa mga tagasuporta ng anak na ipagpatuloy ang pagpapakalat ng mensahe ng kanilang idolo dahil ito ang nais na mangyari ng King of Pop.
"Continue to spread his message, because that is what he would want you to do. Carry on, so his legacy will live forever," dagdag pa ng pahayag ng pamilya.
Sa kasalukuyan ay labis nilang ipinagluluksa ang pagpanaw ng anak kung kaya't tila nawalan na sila ng komunikasyon sa outside world.
"Our beloved son, brother and father of three children has gone so unexpectedly, in such a tragic way and much too soon. It leaves us, his family, speechless and devastated to a point, where communication with the outside world," ayon pa kay Joseph Jackson.
Dagdag pa nito, "We miss Michael endlessly, our pain cannot be described in words. But Michael would not want us to give up now."
Samantala, pinuproblema naman ng mga concert organizers ng namayapang si Michael Jackson kung paano ire-reimburse ang mga ibinentang tiket na umaabot sa mahigit 750,000 para sana sa naudlot na comeback tour concert sa London.
Sinasabing umabot sa 50 million pounds o katumbas ng halos P4 billion ang halaga ng ibinentang tiket para sa naturang konsiyerto.
Kasabay ng kanilang pakikiramay sa pagpanaw ng king of pop, sinabi na rin ng AEG organization na dapat abangan ng mga fans ang abiso kung paano nila mare-reimburse ang mga biniling tickets.
Nabatid na dito sa Pilipinas, kabilang sa nakabili ng tiket ay si dating senador at ngayon ay Dangerous Drugs Board (DDD) Chairman Vicente Sotto III, kung saan lima ang kinuha nito na tinatayang nagkakahalaga ng P16, 000 bawat isa.

Friday, June 26, 2009

INSIDE THE PANTHER REVOLUTION

NANG magpasya ang black director, writer at aktor na si Melvin Van Peebles na ipalabas ang pelikulang "Sweet Sweetback's Baadasssss Song" noong 1971, tinawag ito ng maraming kritiko na eksploitibo, masyadong brutal at karima-rimarim.
Subalit ang mga fans gaya ni Black Panther Party founder Huey Newton ay tinawag ito bilang isang "great revolutionary document" at inobliga ang lahat ng mga kasapi ng partido na panoorin ang pelikulang ito.
Sa obserbasyon, parehong totoo ang mga pagsusuring ito.
Katunayan, nang ipakita ni Van Peebles sa mga itim ang lahi kung paano umahon sa putikan at dumurog ng mga mang-aapi kasama na rito ang mga karakter na pumipiglas o pumapalag sa mga mababalasik at mapang-aping pulis na nakapaligid sa kanila, ay maituturing na taal na tagumpay.
Gayunpaman, ibinenta ng pelikula ang banal at destruktibong imahe ng pagkaitim: Si Sweetback ay isang hustler na tanyag sa kanyang pagiging bihasa sa larangang sekswal at sa kabuuan ng pelikula ay hindi mabilang ang mga babaeng nakaniig ng bida.
Hindi nakapagtataka, ang pelikula ay itinuturing sa kasalukuyan bilang kauna-unahang klasikong "blaxploitation", parehong sa kabila at dahil na rin sa kagustuhan ng artista.
Binabasa ang "Will You Die With Me?,” sumunod ang makapanindig-balahibong pagtatapat ni Flores A. Forbes bilang isang top-ranking member ng military wing ng Black Panther Party at malapit na pinagkakatiwalaan ni Newton, na kalaunan ay nagising at nag-isip na kinailangang panoorin ng mga miyembro ng grupo ang "Sweetback."
Ipinaliwanag ni Forbes ang kahusayan nito sa iba’t ibang konteksto sa pamamagitan nang paglalahad kung bakit siya napasama sa grupo sa edad na 16: "While I had read about the Panthers that had been killed by the police," idinagdag niya sa artikulo, "what I really had on my mind was the black leather jacket and how I would look in one with my black beret cocked to the side with my afro sticking out."
Ang uri ng sensiyong kagustuhan o pagmamahal ni Forbes para sa samahan -- o para ihanay sa tribya ang mga kondisyon na sumusuporta rito –- ay magiging reduktibo at hindi pantay para kay Forbes at sa kasaysayan.
Ang ilang dahilan kung bakit ibinulalas ni Forbes ang kuwento na tangan ng kanyang kapangyarihan at kredibilidad ay ang kagustuhan niyang isakripisyo ang lahat sa sementadong kadahilanan.
"My job was one of the most secretive in the party," ayon sa kanyang artikulo, "and to this day most of the people who were in the Party over the years had not a clue as to what I really did."
Inamin din ni Forbes na ang kanyang sariling bayolenteng trahedya ay naghahagilap ng naratibong magpapalapit sa kanya sa mga nais niyang gawin, gaano man kasinsero: romansa, dedikasyon, pagkompromisong moral, implosyon.
Nang akusahan si Newton nang pamamaslang ng isang 17-year-old prostitute, at si Forbes ay tumutok sa star witness ng prosekusyon, ang isa’y nagpalagay na ang kwento ni Forbes ay isang case study ng malakihang pagtatawag ng armadong trahedyang pakikibaka.
Si Forbes ay isang survivor na gumawa ng bagay na dapat niyang gawin, pag-uunatin man ang masel o litid ng Panther o protektahan ang kanyang sarili sa bilangguan.
Sa kabuuan at kung susuriin, ipinalalagay niya ang kanyang sarili na halos eksklusibong personal, sa halip na kriminal, basehan mula sa mga kahinaan niya sa mga taon na ideolohikal at pilosopikal na pagkokondisyon sa pagbubulagbulagan kung paano magpupumiglas at bumalikwas.
Dahil ini-uugnay sa matibay na tagasunod na sundalo, nakakagulat at nakapagtatakang inobliga rin ni Newton ang kanyang mga miyembro na magbasa ng "The Godfather."
Lubhang mahalaga sa "teatro" ng Black Panther Party -- ang rebolusyon na ipinapalabas sa kasalukuyan ng marami bilang klasiko batay sa sarili nilang karapatan.
Ipinaaalala ni Forbes sa atin, na gaya ng "Sweetback," ang mga rebolusyon din o pag-aaklas ay maaaring piliin at maging eksploitibo, pareho at dahil na rin sa mga intensyon ng kanilang mga lider.
Nakalikha na rin ang mga ito ng maraming positibong pagbabago ngunit umiinog ang katotohanan na maaaring lamunin nito ang mga kabataan o ang kanilang mga anak.

Thursday, June 25, 2009

PACQUIAO, MAGUGULPI-SARADO SA PULITIKA

MAGUGUNITA na noong Mayo 29, muling nagkaroon ng dahilan ang mga Pinoy dahil sa pagkapanalo ni Manny “Pacman” Pacquiao sa laban niya kay Ricky Hatton.
Hindi man siya nanalo sa pamamagitan ng 1st round KO na siyang prediksiyon ng ilang sports analysts, katanggap-tanggap naman ang 3rd round knockout para patunayang siya ay mas magaling na boksingero kumpara kay Hatton.
Hindi maitatatwa na ang kanyang tagumpay ay tagumpay natin, partikular ng mahihirap.
Para sa nakararaming tila nawawalan na ng pag-asang gaganda pa ang buhay, kailangan ang tagumpay ni Pacman para maibsan ang dalamhati nating bunga ng araw-araw na pakikibaka para lang mabuhay.
Kumpara sa mga opisyal na estadistikang hindi makita ang koneksiyon sa kanilang buhay, damang-dama ng nakararaming mahihirap ang pagkapanalo ni Pacman kahit na wala naman silang direktang mahihita mula rito.
Hindi ba’t kay Pacman naman napunta ang milyun-milyong gantimpalang imposibleng kitain ng nakararami?
Kahit na sabihing kailangan pa ring bayaran ang iba pang taong tumulong sa kanya tulad ng trainer niyang si Freddie Roach, masasabing siya lang at ang kanyang pamilya ang lalo pang yayaman dahil sa kanyang tagumpay.
Kahit na may balato naman siyang ipamamahagi sa ibang kababayan, hindi naman maaasahang lahat ay mabibiyayaan niya.
Pero kahit na alam nating ganito ang sitwasyon, masaya pa rin tayo.
Ang kanyang kagalingan ay sapat na para maghatid ng magandang balita kahit ilang araw lang.
Para sa isang bansang ang pandarambong at pulitikal na pamamaslang ay tila ordinaryong pangyayari na, maiintindihan naman ang paghahanap ng mga balitang magpapangiti sa atin.
Ganoon naman ang naging papel ni Pacman sa buhay nating lahat mula nang makilala siya sa internasyonal na larangan ng boksing.
Nararamdaman natin ang mga suntok na binibitawan niya na nakakapagpatumba kahit sa magagaling na boksingero tulad nina David Diaz, Oscar dela Hoya, Erik Morales, Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez.
Damang-dama rin natin ang mga suntok na tumatama sa kanya na alam nating iniinda niya ang sakit.
Malaking salik ang pagiging galing sa hirap ni Pacman para suportahan siya ng nakararami.
Nakita natin ang kanyang pagpupursigi para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.
Nabalita ngang gumastos siya ng kalahating milyon para pag-aralin sa isang mamahaling paaralan ang kanyang mga anak.
Nagpatayo rin siya ng mansyon para sa kanyang pamilya at napabalitang nagbigay ng mamahaling sasakyan sa kanyang ina.
Tama si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang sinabi niya sa isang pahayag na muling nagbigay si Pacman ng dahilan para may muling maipagmalaki ang mga Pinoy.
Pero dapat nating tandaang kailangan ang mga tagumpay ng mga katulad ni Pacman sa isang sitwasyong mayroon tayong administrasyong patuloy na tinutuligsa dahil sa krisis na nararamdaman ng nakararami.
Bagama’t may dahilan para ipagdiwang ang tagumpay ng mga kababayan natin, lubhang kinakailangan ang mahigpit na pagkakaisa hindi lang sa pagsuporta sa kanila kundi sa pagkilos para wakasan ang mga dahilan ng ating patuloy na paghihirap.
Buti na lang at nanalo si Pacman.
Itinuring ng nakararaming mahihirap na isa sa kanila si Pacman kahit ibang-iba na ang kanyang pinansyal na sitwasyon.
At dahil ayaw ng nakararaming masira ang ilusyon na inihahatid ni Pacman tuwing siya ay may laban, hindi siya ibinoto noong nakaraang eleksiyon para maging kinatawan sa House of Representa-thieves.
Alam ng mamamayan ang karumihan ng pulitika at ayaw nilang masira o magamit lang ng mga pulitiko ang “Pambansang Kamao.”
Ngayong tatakbo na naman si Pacman sa pagka-kongresista ng Saranggani, asahan nang uulanin siya ng kung anu-anong alegasyon.
Kung nakakaya ni Pacman ang mga umuulang suntok ng mga nakakalaban niya sa ibabaw ng ring, makakayanan kaya ng Pambansang Kamao na saluhin ang mga bigwas ng maruming pulitika?
Mananalo kaya siya sa laban niyang ito o magugulpi-sarado?
Kailan naman kaya mananalo ang nakararaming mamamayan sa kanilang laban sa buhay?