Wednesday, July 13, 2011

PASAY GOV’T WALANG MAGAWA SA NAGLIPANANG ‘PROSTI’

Sa kabila ng mahigpit na kampanya laban sa prostitusyon ng Pasay City government, lalo pang sumigla ang ganitong uri ng hanapbuhay sa ilang lugar sa lungsod.

Partikular na nabuhay ang maliligayang araw ng mga nagkalat na prostitutes sa kanto ng Taft Avenue at EDSA kung saan dikit-dikit din ang mga motel na nagsisimula na ring mapuno ng mga pumapasok na customers.

Aminado naman ang hepe ng Pasay city police na nahihirapan silang maipursige ang kaso ng mga babaing nahuhuli ng kanilang mga tauhan dahil na rin sa proteksiyon ng mga kababaihan sa ilalim ng umiiral na RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children at ng Anti-Trafficking Law.

Sinabi ni Petrasanta na sa kabila ng puspusan nilang kampanya laban sa prostitusyon, batay na rin sa direktiba ng Pasay City Mayor, nauuwi lamang sa bagansiya o paglabag sa umiiral na ordinansa ang kaso ng mga nahuhuli nilang kababaihan at nakalalaya din kaagad sa bisa ng inilagak nilang piyansa.

Idinugtong pa niya na sa ilalim ng Anti-Trafficking Law, hindi puwedeng hulihin ang mga kababaihan dahil itinuturing silang mga biktima, maliban na lamang kung mayroon silang surveillance camera na magsisilbing matibay na ebidensiya upang patunayang sangkot sila sa prostitusyon. (People's Taliba/02-07-09)