Monday, May 11, 2009

HUWAG BANSAGANG ‘KOMUNISTA’ ANG 'MEDIA'

NAROON siya, nakaupong isang akbay lang ang layo kay Maj. Gen. Jovito Palparan, habang banayad na inilalahad ang "impiltrasyon ng mga Komunista sa masmidya" sa Kapihan ng Bayan sa Sulo Hotel nitong Agosto 21. Larawan siya ng isang burukratang ganap na nakakatiyak sa katumpakan at katarungan ng bawat salitang lumalabas sa kanyang bunganga. Ito’y kumpiyansang makukuha lamang ng isang nilalang kung siya ay gaya ng isang Norberto Gonzales, tagapayo ng presidente sa pambansang seguridad.
Ang nagsasalita ay wala ngang iba kundi siya.
Ngunit hindi na bago ang tesis ni Gonzales. Kung bomba ang inaasahan niyang pasabugin sa nasabing press conference, kalpot ang putok noon. Lumang tugtuging pinagsawaan na ng panahon ang pagbabansag niya sa mga mamamahayag bilang "Komunista." Ang masama pa nito, tila siya isang mapanlarong kolumnista ng tsismis na walang kayang maihayag kundi ang iwas-pusoy na blind items.
Ayon sa mga beteranong mamamahayag, laging ginagamit ng gobyernong nasa krisis ang taktika ng red-baiting tuwing batbat ang mga hedlayn ng kapalpakan at kamalian ng mga nasa poder.
Pangamba ng NUJP (National Union of Journalists of the Philippines), ginagawa ito ng gobyerno hindi lamang para sirain ang imahe ng midya at ang kredibilidad ng kanilang mga ulat, kundi para bigyang-katwiran din ang patuloy na pamamaslang ng mga mamamahayag, tulad ng pagpatay ng mga aktibista na napakadaling bansagang miyembro ng CPP (Communist Party of the Philippines).
Nang hindi nagbabanggit ng mga bilang o pangalan, tiniyak ni Gonzales na may ilang mamamahayag na nirerekrut ng CPP. "At mukhang nagtatagumpay (ang CPP)," sabi niya.
Bagaman siniguro ni Gonzales na hindi magkakaroon ng sensura at pagtugis sa mga mamamahayag na umano’y miyembro o sumisimpatiya sa CPP, nagbabala siya para bantayan ng midya ang kanilang hanay.
Inamin din ng tagapayo ni Arroyo na ginagawa ng gobyerno ang profiling o paggawa ng dosyer ng mga miyembro ng midya. Ang dosyer ay instrumento ng military intelligence sa pag-iipon ng "derogatory information" tungkol sa tinatarget nitong mga tao.
Sinang-ayunan naman ng Malakanyang ang mga umano’y "nakakabahalang obserbasyon" ni Gonzales hinggil sa mga mamamahayag. "Kung alam natin kung sino sila, dapat siguruhing hindi sila lalabag sa Revised Penal Code," sabi ni Executive Secretary Eduardo Ermita.
Ngunit sinalubong ng pagkondena ng mga senador at mga grupo ng mamamahayag ang deklarasyon ni Gonzales. Ayon sa kanila, tahasang kapraningan, pananakot, at paglabag sa karapatang pantao ng mga nasa masmidya at kalayaan sa pamamahayag ang nasabing mga akusasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Vergel Santos, tagapangulo ng Board of Trustees ng Center for Media Freedom and Responsibility, na "ginawa na ni Marcos ang pagbansag na komunista sa midya, at ginagawa ulit ito ngayon ng administrasyong Arroyo. Isa itong lumang patibong na ginagamit lagi ng administrasyong walang kumpiyansa sa sarili."

No comments: