Monday, May 11, 2009

KONTROBERSIYAL AT KRITIKAL NA HEDLAYN

BILANG patunay umano na napasok na ng mga komunista ang midya, sinabi ni Gonzales na karamihan sa mga balitang lumalabas sa hedlayn ay maka-Kaliwa at kontra sa gobyerno.
Bagay itong pinagtawanan ni Joe Pavia, tagapangulo ng Philippine Press Institute at beteranong mamamahayag. "Anong karapatan nila na sabihin iyon gayong hindi naman sila diyarista? Kahit sino, maaaring bigyang kahulugan ang balita ayon sa kanyang kinikilingan.
Bakit, kung right-leaning ba ang hedlayn, may problema? O walang problema dahil pabor sa kanila, ganon ba yon?" bulalas niya sa isang panayam.
Ayon naman kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, tagapagsalita ng CPP, "Hindi resulta ng communist infiltration kung kritikal man sa gobyerno ang pag-uulat (ng midya). Marami lamang sa mga mamamahayag ang tumutupad ng kanilang tungkulin sa matapat na pagbabalita."
Idiniin ni Rosal ang mahalagang papel ng midya sa pagbibigay sa mga mamamayan ng tamang impormasyon at pagsusuri hinggil sa "kasinungalingan, korapsiyon, pagpapakatuta, brutalidad, at iba pang kabuktutan ng gobyernong Arroyo."

PANANAKOT AT TAKOT
Sa huli, takot sa hanay ng mga mamamahayag at pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag ang muling inihasik ng gobyernong Arroyo sa mga pahayag ni Gonzales.
"Maraming mamamahayag ang talagang natakot hindi dahil komunista sila, kundi dahil doon sa konteksto na maraming pinapatay at hindi alam kung sino yung pumapatay. Inilista yung media organizations na enemy of the state, kaya natatakot ang mga mamamahayag na maging target sila ng paniniktik. Kahit komunista ka o hindi, sa pag-profile pa lang sa iyo, isa na ’yang paglabag sa karapatang pantao," sabi ni Joe Torres, tagapangulo ng NUJP.
Noong 2004 at 2005, pumangalawa ang Pilipinas sa Iraq sa mga bansa na may pinakamaraming pinatay na mamamahayag. May 10 na ang pinapatay ngayong taon. Umaabot sa 45 ang mga mamamahayag na pinatay sa ilalim ng gobyernong Arroyo, mas marami kaysa noong batas militar.
Dagdag pa ni Torres, "Dahil sa takot, mag-aalanganin na ang mamamahayag dun sa iinterbiyuhin niya. (At dahil sa pag-aalanganin), magkakaroon ng pagpipigil sa sarili o prior restraint. At kung may prior restraint, paglabag na ito sa kalayaan sa pamamahayag."

TULOY ANG TRABAHO
Batay sa karanasan ni Julie Alipala, correspondent ng Philippine Daily Inquirer sa Zamboanga City, nakapinsala sa gawain niya ang pagbansag sa kanya ng AFP bilang "komunista." Ito’y dahil lamang sa minsang pagtatrabaho niya sa Ecumenical Movement for Justice and Peace, isang ligal na organisasyong pangkarapatang pantao na binabansagan ng militar bilang prenteng komunista.
"Hindi ka mabibigyan ng statement (ng AFP) kung di ka magpupumilit. Iniisip kasi nila, baka nagbibigay ka ng impormasyon sa kabila," sabi ni Alipala sa isang panayam.
Sa giyera laban sa bandidong Abu Sayyaf sa mga probinsya ng Basilan at Sulu kung saan napapasama ang imahe ng AFP sa mga balita, nangangamba si Alipala na baka "terorista" naman ang itawag sa midya kapag napikon ang militar. Noong 2002, nakatanggap ng banta sa buhay si Alipala matapos niyang ibulgar na AFP ang nasa likod ng pagdukot sa mga reporter ng GMA 7 na sina Carlo Lorenzo at Gilbert Ordiales.
Sa kabila ng mga pagsubok na dala ng di-makatarungang pagbabansag at pagtrato, patuloy si Alipala sa paggampan sa kanyang tungkulin bilang mamamahayag. "Lagi akong gumagawa ng mga ulat na laban sa militar, laban sa kahit kanino. At yung iba, natanggal na sa puwesto dahil sa pagbubulgar ko. Kaya kahit maraming pananakot, kapag nagsulat ka ng totoo, walang dahilan para matakot," aniya.
Baka higit pa sa isang press conference ang kailangang idaos ni Norberto Gonzales upang masawata ang mga nasa midya na patuloy na tumutupad ng tungkulin sa malaya at matapat na pamamahayag, sukdulang tawagin silang midyang Komunista. Tama po ba Madam ILANG-ILANG D. QUIJANO?

No comments: