Thursday, February 28, 2008

KALAYAAN, MEDYA AT SI JUN LOZADA

"Kung ang medya ay patuloy na nakakapanayam si Lozada, hindi ito nangangahulugang may tunay na demokrasya sa ating bansa. Kung si Lozada ngayon ay may kalayaan, ito ay dahil sa pagkilos ng mga taong simbahan at iba pang sektor ng lipunan para protektahan siya."
Patuloy ang pagkober ng midya sa mga pangyayaring may kinalaman sa kontrobersiyal na proyektong NBN (national broadband network). Si Rodolfo Noel “Jun” Lozada, Jr., ang tinaguriang star witness, ay parati ngayong naiinterbyu ng midya tungkol sa impormasyong hawak niya.

Kahit na sabihing karamihan sa kanyang mga datos ay mula lang sa kanyang natatandaan, interesado pa rin ang mga mamamahayag sa mga pahayag niya. Kung pagbabatayan ang mga kilos-protesta para sa pagbibitiw ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang opisyal, lumalabas ding maraming taong naniniwala sa mga sinabi niya.
Wala man siyang mga dokumentong pinanghahawakan, lumalabas ang lohika ng kanyang mga sinasabi, lalo na’t ang mga nasa pamahalaang tulad ni Romulo Neri ay ayaw maglahad ng kanilang nalalaman at patuloy na iniiwasan ang subpoena o arrest warrant ng Senado.
Sa bahagi ni Lozada, malinaw na siya ay dinukot sa NAIA (Ninoy Aquino International Airport) para iwasan ang arrest warrant ng Senado at hindi siya makapagbigay ng testimoniya. Nasa kanya man ang kanyang cellphone at kahit na dinala siya sa gusto niyang puntahan (i.e., ang La Salle Greenhills), ilang oras din ang nagdaan bago ang aktuwal na paghahatid sa kanya. Ayon mismo sa mga taong na kumuha sa kanya sa airport, nagpaikot-ikot muna sila, nakipagharap (kahit dis-oras ng gabi) sa isang abogado at kung anu-ano ang pinapirma sa kanya.
Kahit na sabihing pinakawalan din siya, may mga oras na naging limitado ang kanyang kalayaan kahit wala naman siyang krimeng nagawa. Hindi naman puwedeng gawa-gawa lang ng asawa’t mga kamag-anak niya ang kanilang apila sa midya na tulungan sila dahil nawawala noong panahong iyon si Lozada. Ano naman ang mahihita nila sa hindi pagsasabi ng totoo? Sa bahagi naman ni Lozada, may mapapala kaya siya kung magsisinungaling siya’t babanggain niya ang mga nasa kapangyarihan?Alam ng mga taong mas maraming mawawala kay Lozada sa pagsisiwalat ng mga nalalaman niya. Nabibilang man siya sa nakaluluwag sa lipunan na kayang mamili ng daan-libong halaga ng pasalubong habang nasa Hong Kong (at tumira pa sa isang mamahaling hotel!), siya ay “mahirap” pa rin kumpara sa malalaking taong matinding naapektuhan ng kanyang testimoniya.
Ganito na talaga kayaman ang mga nasa kapangyarihan, at ito ang dahilan kung bakit may mga sumubok na “bilhin” ang katahimikan ni Jun Lozada. At nang hindi ito naging epektibo, sinubok at sinusubok siyang takutin para huwag nang magsalita. Para sa mga nasa kapangyarihan, kailangang siyang patahimikin sa kahit anong paraan.
Ang pagkakaroon ng kalayaan para isulat ang mga bagay na ito – at tuligsain ang mga nasa kapangyarihan – ay hindi natin utang sa pamahalaan, kundi produkto ng ating patuloy na pakikipaglaban. Bukod sa walang pakundangang pagpatay sa mga mamamahayag at mga aktibista, alam nating patuloy ang represyon sa porma ng mga polisiya tulad ng Human Security Act, Presidential Proclamation No. 1017 at Executive Order No. 464 na siyang legal na batayan para iwasan ng mga opisyal ng Malakanyang ang pagdinig sa Senado at Kamara de Representante.
Kung ang medya ay patuloy na nakakapanayam si Lozada, hindi ito nangangahulugang may tunay na demokrasya sa ating bansa. Kung si Lozada ngayon ay may kalayaan, ito ay dahil sa pagkilos ng mga taong simbahan at iba pang sektor ng lipunan para protektahan siya.
Dito sa Pilipinas, ang kalayaan sa pamamahayag at iba pang batayang kalayaan ay hindi dahil sa may pamahalaan tayong nagtataguyod ng mga ito. Ang anumang mga kalayaang mayroon tayo, kahit na sabihing limitado, ay bunga ng ating patuloy na pakikipaglaban. Nabubuhay tayo sa isang panahong sinusubukan ng pamahalaang supilin ang ating mga kalayaan.
Para sa mga katulad ni Lozada na maraming nalalaman tungkol sa katiwalian ng mga nasa kapangyarihan, tatlo lang ang pagpipilian – ang manahimik sa ngalan ng personal na pagsasaalang-alang; ang maging bahagi ng kultura ng korupsiyon; o basagin ang katahimikan sa ngalan ng katotohanan.
Buti na lang ang pinili ni Lozada ang huli. Sa pamamagitan ng kanyang testimoniya, mas malinaw na nakikita ngayon ang kultura ng korupsiyon na tila anay na sumisira sa haligi ng ating lipunan. Darating din ang panahong makikita ng nakararami ang kabulukan ng haligi at kikilos para baguhin ang buong istruktura. (KONTEKSTO NI DANILO ARAÑA ARAO/ INILATHALA NG BULATLAT)

No comments: